Biosecurity measures vs ASF ikinasa sa Iloilo

Biosecurity measures vs ASF ikinasa sa Iloilo

December 18, 2022 @ 3:04 PM 1 month ago


ILOILO CITY – BILANG tugon sa problema ng African swine fever (ASF) na dumapo sa Iloilo City, nilagdaan ni Iloilo Governor Arthur Defensor Jr. ang Executive Order Number 605 para ipatupad ang minimum biosecurity standards sa nasabing lalawigan.

Nakasaad sa panukala ang Tapak (Step), Hugas (Wash), at ang malinis na pagpapakain (clean feeding) o “TAHUM” para hindi na lumala pa madagdagan ang bilang ng kaso ng ASF sa naturang probinsya.

Ayon kay Defensor, ang pagpapatupad ng mga panukalang biosecurity ay nasa antas ng mga farmers at kanilang mga pasilidad ganun ang kalinisan sa palibot nito.

“Tahum Campaign” o kampanya sa kalinisan ang gagawin natin para tayo ay sumulong at sama-sama sa pag-unlad,” ani pa ng gobernador.

Sa kasalukuyan, walong munisipalidad sa lalawigan ang nakapagtala ng mga kaso ng ASF kabilang na rito ang tatlong bayan ang Oton, San Miguel, at Leganes na nakalagay sa red zone.

 Ang ibang mga munisipalidad ay nakapagtala rin ng mga kaso ng ASF subalit naagapan nila ito at hindi na kumalat pa sa ibang kalapit na barangay.

Kasunod nito, nilagdaan din ni Defensor ang Executive Order Number 606 na nagpapatibay sa programang Renewable Energy (Iloilo ProGReEn) na nagtataguyod ng pagpapaunlad, paggamit at komersyalisasyon ng renewable energy.

“Ito talaga ang energy drive namin. Ipinagdiriwang natin ngayon ang Energy Consciousness Month at para sa probinsya, mayroon tayong berdeng Christmas lane dito sa kapitolyo para ilunsad ang ating renewable energy drive,” ani Defensor.

Dagdag pa ng gobernador, sa unang pagkakataon ay naglaan ang lalawigan ng P30 milyon para sa renewable energy projects sa 2023 budget./Mary Anne Sapico