Bira ng kabataan at Simbahang Katolika, tatanggapin ni Pangulong Duterte

Bira ng kabataan at Simbahang Katolika, tatanggapin ni Pangulong Duterte

July 8, 2018 @ 1:57 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Tatanggapin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga bira sa kanya ng mga kabataan at ibang grupo lalo na ng Simbahang Katolika kaugnay sa kanyang pamamahala sa bansa.

Aniya, kahit sino naman ay malayang magbigay ng puna sa kanyang performance subalit kailangan na manatili sa neutral na estado ang simbahan, alinsunod sa “Separation of Church and State” sa Konstitusyon.

Hindi aniya dapat na gawing isyu ang “platform of God” bilang hindi naman daw maiiwasang makapag-bigay siya ng komento rito.

Ilang araw nang binatikos ang Chief Executive dahil sa mga pahayag nitong tila taliwas sa Diyos ng mga Katoliko.

Sa kabila naman ng madalas na pagbatikos at pagmumura sa Simbahang Katolika sa kanyang mga talumpati ay patuloy pa ring nagbibigay ng kanyang donasyon si Pangulong Duterte sa Caritas Davao Foundation.

Sinabi ni Caritas Davao head Sr. Rose Duhaylungsod at sinabing nagbigay ng donasyon ang pangulo mula 2015 hanggang 2017 sa foundation.

Ang Caritas Davao ay nasa ilalim ng Archdiocese of Davao.

Magugunitang noong 2015 ay nangako ang pangulo na magbibigay siya ng P1,000 sa Caritas Davao sa kada mura na lalabas sa kanyang bibig at tila tinutupad niya ang pangakong ito.

Sa kabila nito, sinabi ni Sr. Duhaylungsod, tinitingnan pa ang records para malaman kung magkano na ang naibigay ng pangulo sa institusyon.

Hindi pa aniya, nakakapagpaabot ng donasyon si Duterte para sa taong ito.

Nagsimula umanong magbigay ang Pangulo sa Caritas Davao mula nang makapulong si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Davao Archbishop Romulo Valles noong December 4, 2015.

Ang Caritas ay ang pinakamalaking charitable organization ng Simbahang Katolika na tumutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayang nasa laylayan sa lipunan kung saan mayroon itong sangay sa iba’t ibang bansa. (Kris Jose)