‘Bisita, Be My Guest’ program inilunsad ng DOT, DMW

‘Bisita, Be My Guest’ program inilunsad ng DOT, DMW

December 16, 2022 @ 10:02 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pumirma ng kasunduan ang Department of Tourism (DOT) at Department of Migrant Workers (DMW) para sa ilulunsad na programang maghihikayat sa mga overseas Filipinos na magsama ng kanilang dayuhang kaibigan o kamag-anak sa Pilipinas kapalit ng insentibo.

Ang incentives project na inilunsad ng DOT ay ang “Bisita, Be My Guest” (BBMG) Program na magbibigay ng raffle tickets at tsansang manalo ng tour packages sa mga piling lugar sa bansa para sa mga Filipino na makapagsasama ng dayuhang bisita sa bansa.

Layunin ng programa na mismong ang mga Filipino ang maging mga ambassador ng turismo ng bansa.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, layunin ng programa na mas mapalakas ang relasyon ng overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang pamilya kasabay ng pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng increased tourist arrivals.

Idiniin din ni Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, ang kahalagahan ng BBMG upang mas mapalakas ang turismo sa pamamagitan ng mga OFW.

“Let this be a pambansang (national) effort to bring as many guests as possible and to make every OFW feel special as Philippine tourism ambassadors,” ani Ople.

Ang mga partisipantes ng programa ay maaaring sponsor o invitee.

Tatagal ang programang ito mula Enero 1, 2023 hanggang Abril 30, 2024. RNT/JGC