Bitay sa durugista muling isinulong ni Bato sa Senado

Bitay sa durugista muling isinulong ni Bato sa Senado

July 8, 2022 @ 5:44 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling inihain ng isang senador ang kanyang panukalang batas na naglalayong magpataw ng parusang kamatayan sa mga big-time na drug traffickers at plunderer habang hindi bababa sa tatlo pa ang nagsabing maghain sila ng kanilang mga bersyon.

Nilimitahan lamang ni Senador Ronald dela Rosa ang kanyang bersyon sa mga high-level drug traffickers para hindi ito maituturing na anti-poor.

“There’s no high-level drug trafficker who can be considered as small-time. Hindi po kasama dito ‘yung mga ordinary street drug pushers. Only big-time drug traffickers,” ani dela Rosa sa isang interbyu.

Bagama’t inaasahan niya ang talakayan sa dami ng iligal na droga na maaaring ituring na “high-level”, sinabi niya na ang isang kilo ay maaari nang ma-classify na ganoon.

Sa 18th Congress, wala sa 11 death penalty bill na inihain ng siyam na senador ang naaksyunan matapos i-refer sa Committee on Justice and Human Rights, na pinamumunuan ni dating senador Richard Gordon.

“It was never given attention. Not even one hearing was conducted by the said committee. For this 19th Congress, I am optimistic that it will gain traction,” ani Dela Rosa.

Dahil sa pagkakataon, sinabi niyang determinado siyang kumbinsihin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgnt ang panukalang batas.

Sinabi naman ni Presumptive Senate President Juan Miguel Zubiri sa isang panayam kamakailan, gayunpaman, na ang parusang kamatayan ay hindi prayoridad ng administrasyong Marcos.

Sinabi ni Zubiri na hindi niya susuportahan ang anumang hakbang na lalabag sa karapatang pantao.

Sa kabilang banda, ipinahayag din ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pagpayag na muling maghain ng panukalang magpapanumbalik ng parusang kamatayan para sa ilang karumal-dumal na krimen. RNT