Biyahe ng lahat ng eroplano sa Nigeria huminto sa mahal na jet fuel

Biyahe ng lahat ng eroplano sa Nigeria huminto sa mahal na jet fuel

May 8, 2022 @ 8:55 AM 2 months ago


NIGERIA – Pinahinto na ng lahat ng kompanyang eroplano ang kanilang biyahe sa loob ng bansang ito dahil sa napakamahal na jet fuel bagama’t tuloy ang mga biyaheng international.

Ayon sa Airline Operators of Nigeria na binubuo ng siyam ng kompanya, napilitan silang ihinto ang mga biyahe dahil apat na beses na umano ang pagmamahal ng jet fuel na binabayaran nila ng US dollar dahil inaangkat ito.

Apat na buwan na umano nilang ginagastusan nang sarili ang pagkalugi nila at ayaw naman nila umanong bawiin sa pamasahe dahil nagdoble na rin ito.

Pareho umanong nahihirapan ang mga kompanya at eroplano kaya tumigil na sila sa pagbiyahe bagama’t kailangan na kailangan dahil sa banta ng mga kidnapping at terorismo sa mga biyaheng panlupa.

Pinakamalaking producer ng langis ang Nigeria sa buong Africa ngunit hindi umano gaano napakikinabangan ito dahil sa pagiging atrasado sa teknolohiya ng mga kompanya, bukod sa korapsyon sa operasyon ng mga ito. RNT