BIYAHENG LANGIT NG SENIOR CITIZENS NA EROPLANO

BIYAHENG LANGIT NG SENIOR CITIZENS NA EROPLANO

July 8, 2021 @ 9:15 PM 1 year ago


NAPAKASAMA talaga ang dulot ng masamang panahon sa biyaheng langit o eroplano.

Kung samahan mo ng human error ang masamang panahon, disgrasya ang abutin mo.

Tila ito ang nangyari sa C-130 na kumitil sa maraming buhay ng ating mga sundalo at ikinasugat nang malubha ng marami rin sa Patikul, Sulu.

At ito rin ang naganap sa isang eroplano sa Russia na halos kasabay ng ating C-130 na bumagsak.

Nakalulungkot din ang sinapit ng mga crew at pasahero ng Antonov o An-26 dahil pinaniniwalaang nasawi sila lahat sa pagsabog nito sa lungsod ng Petropavlovsk-Kamchatsky.

MGA BIKTIMA SA C-130

Nasa 53 ang nasawi mula sa 96 pasahero ng C-130 at nakapaninindig-balahibo ang pangyayari.

Natapon palabas ang mga nabuhay na sundalo makaraang humiwalay ang buntot nito habang nasunog naman nang husto ang iba sa mga namatay nang lumiyab ito makaraang bumangga sa mga puno ng niyog sa paligid at nadamay na rin sa mga namatay ang 3 sibilyang nabagsakan nito.

Ang mga nabuhay, sila ang nagkwento ng kanilang nakatatakot na karanasan.

Nagkwento sila kung paano nakalapag na at muling gustong lumipad ang eroplano nang mawala sa tamang pwestong landingan nito hanggang sa dumating ang trahedya.

MGA BIKTIMA SA AN-26

Sa An-26, wala nang makapagkukwento pa ng pangyayari.

Pinaniniwalaang namatay ang lahat ng 28 crew at pasahero na karamiha’y mga lokal na turista na gusto lang makita ang ganda ng lugar bilang isang tourist spot.

Kasama rin sa pasahero ang mayor ng bayan ng Palana na si Olga Mokhireva

Habang tinitipa natin ito, wala pa ring makita kahit isang katawan.

Tanging ang katawan at ilang parte pa lang ng eroplano ang natatagpuan.

MASAMANG PANAHON, PAGKAKAMALI NG TAO

Ayon mismo kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kasama sa mga pinakamahahalagang usapin sa crash ng C-130 ang panahon at human error o pagkakamali ng tao o mga piloto.

Noong panahon na bumababa ang eroplano, malakas ang hangin at maaaring sinalya nito ang eroplano kaya nawala sa runway o tamang daanan at hindi maayos na bumaba ito nang sakto sa kahaban nito.

Sinubukan mang lumipad muli ang eroplano para ulitin ang ligtas na pag-landing, huli na dahil bumangga na sa mga puno hanggang sa mawasak at magliyab.

Ang An-26, pababa rin sa airport pero maulap at mahamog sa lugar kaya hindi natiyak ng piloto ang saktong babaan at bumangga ito sa bangin.

Nakita na ang palatandaang bumangga sa bangin ang eroplano na ikinawasak nito nang hindi nagliyab.

Maaaring may matatagpuang mga bangkay sa lugar subalit kinatatakutang ilan sa mga ito ang tinangay na ng mga bear o oso na mas marami pa kaysa mga taong naninirahan sa lugar.

MATATANDANG EROPLANO

Sinasabing dumating ang 33 taong gulang na C-130 nitong Enero 29, 2021 lamang at binili ito mula United States na may gawa nito.

Unang lumipad at ginamit ng US military ito noong 1988 at ibinasura o inilagay na sa junkshop noong 2016.

Para mapaganda ng US ang relasyon nito Pinas, iniahon ito sa junkshop, inayos at idineliber sa Pilipinas sa Villamor Air Base.

‘Yung 39 anyos na An-26, ginawa naman noong 1982 at mula noon, patuloy itong lumilipad.

Maayos din umano ito at dahil dalawa ang makina nito, kahit masira ang isa, kaya nitong lalapag na ligtas sa maayos na lalapagan.

Pero bumangga nga sa bangin at nawasak nang tuluyan ang eroplanong kasama sa ginawa noong 1969 hanggang 1986..

May mga bumagsak na ring ibang An-26, gayundin ang C-130.

Marami na ang bumagsak na C-130 gaya sa Afghanistan, Australia, Tajikistan, at sa US mismo.

Mero pa ngang basta na lang nasibak na mga pakpak ng mga nadisgrasya sa kalumaan.

Marami na ring An-26 ang nalaglag sa Russia, Mozambique, Ethiopia, Vietnam at iba pa.

IMBESTIGASYON SA MGA CRASH

Ngayon ay iniimbestigahan ang dalawang bumagsak na eroplano.

Tiyak na lalabas ang masamang panahon at pagkakamali ng mga piloto o human error.

Pero dapat isama na ring pag-aralan ang pagiging senior citizen ng mga ito.

Ayusin mo man nang ayusin ang mga pinaglumaan na ng panahon, lalalabas at lalabas ang mga depekto ng mga ito at magpapatuloy sa pagkitil ng buhay ng tao at pagsira sa mga ari-arian.