Biyahero mula South Africa bantay-sarado ng PH gov’t- BOQ

Biyahero mula South Africa bantay-sarado ng PH gov’t- BOQ

November 28, 2021 @ 1:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binabantayan ng gobyerno ang mga pasahero mula sa South Africa at iba pang bansa kung saan naiulat ang mga kaso ng B.1.1.529 coronavirus variant o Omicron, na pinaniniwalaang mas malala kumpara sa Delta variant, ayon sa Bureau of Quarantine (BOQ) nitong Linggo.

Sa panayam sa dzBB, sinabi ni Dr. Roberto Salvador Jr., BOQ deputy director, na wala pa silang naitatala na pasahero mula sa mga bansang may naiulat na kaso ng Omicron.

“Inutusan ang BOQ at DILG (Department of the Interior and Local Government) na i-locate ang travelers na posibleng galing sa affected country ng variant,” ani Salvador.

“Sa ngayon, wala pa tayong namo-monitor na kababayan galing sa affected country,” dagdag pa niya.

Ani Salvador, pinaniniwalaang 500 beses na mas nakahahawa ang Omicron kumpara sa Delta variant.

“Dahil sa bagong variant ng COVID-19 na kinatatakutan ngayon dahil sinasabing nakakahawa ng 500 times more infectious sa Delta virus,” aniya.

Ang B.1.1.529 strain ng COVID-19 na unang natuklasan sa South Africa ay idineklara ng World Health Organization nitong Biyernes bilang variant of concern at pinangalanang Omicron.

Samantala nagpaalala naman ang BOQ official sa mga galing sa bansa na kabilang sa “green list” na mahigpit na sumunod sa home quarantine rules upang hindi mahawa ang kanilang mga pamilya sa COVID-19. RNT/SA