Biyenan patay sa duwelo ng manugang

Biyenan patay sa duwelo ng manugang

July 6, 2022 @ 1:27 PM 1 month ago


IBAJAY, Aklan- PATAY ang isang biyenan habang sugatan ang manugang nito matapos silang magdwelo dahil umano sa away-lupa, noong Lunes sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si Orlando Pines, 70-anyos habang ginagamot naman sa ospital ang sugatan nitong manugang na si Jury Batoy, 35 anyos, kapwa residente ng Monlaque, Ibajay.

Batay sa report ng Ibajay Municipal Police Station, dakong 1:35 PM naganap ang insidente sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng pagtatalo ang magbiyenan dahil sa lupa na nauwi sa dwelo gamit ang homemade shotgun.

Tinamaan sa dibdib si Pines na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan habang sa katawan naman si Batoy na agad dinala sa ospital para lapatan ng lunas.

Ayon sa pulisya, bago ang insidente, galing sa barangay hall ang magbiyenan matapos ireklamo ni Batoy dahil sa paninira ng kanyang mga halaman sa kanilang bakod.

Sa pagresponde ng mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente nakuha sa magbiyenan ang homemade shotgun na pinaniniwalaan ginamit sa krimen.

Naka-hospital arrest ngayon si Batoy at inihahanda ang kasong isasampa./Mary Anne Sapico