BJMP jail congestion rate nasa 300% na lang – Abalos

BJMP jail congestion rate nasa 300% na lang – Abalos

July 21, 2022 @ 6:00 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Malaki ang ibinaba ng congestion rate sa jail facilities ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ayon sa Department of the Interior and Local Government nitong Huwebes.

Sa isang press conference, sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. na ang congestion rate sa BJMP ay bumaba sa 387%, hanggang nitong Hunyo 2022, mula sa 612% noong 2017.

“Sa totoo lang, iikutin po namin ang bansa tungkol dito sa jail congestion. We want to make sure that they got very humane environment, hindi siksikan,” sabi ni Abalos.

“Pero alam naman natin na may mga LGUs na mayayaman at may LGUs na hindi ganon kayaman,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Abalos na naglaan ang BJMP ng P6.7 bilyong pondo para buuin, pagandahin, at ayusin ang mga pasilidad.

Inihayag naman ni BJMP chief Allan Iral na nangangailangan ang ahensya ng maraming donasyon mula sa local government units. Aniya pa, kinakailangang bantayan ang plea bargaining system at ipagpatuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga korte upang pabilisin ang mge hearing.

“In that way, we can reduce the congestion rate of the BJMP jails,” aniya.

Inilahad naman ng Interior secretary na pinag-aaralan ng ahensyo ang posibleng pagpapahiram ng mga lokal na pamahalaan sa BJMP ng mga nasasakupang lupa sa long-term basis.

“We will be asking, requesting the LGUs, to possibly donate their lots kasi para mapatayuan namin. But I’m also tinkering with the idea, ewan ko if pupwede ito, baka ‘yung iba ayaw mag donate, why not… a long term use of usufruct,” aniya.

“Meaning, that the LGU would retain ownership of the property but would lend these to the BJMP on a long term. Let’s say 30 years, 40 years para lang magamit,” paliwanag pa niya.

Ayon naman kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang jail facilities sa ilalim ng Bureau of Corrections ay mayroon ding 300% congestion rate.

Samantala, inirekomenda ni Abalos ang paglalagay ng CCTV cameras sa hallways ng jail facilities para sa proteksyon ng persons deprived of liberty at police officers.

“Isa pa siguro na ipu-push ko rin kung kaya rin lang ng pera will be CCTVs inside, doon man lang sa alley ng jail, ‘yung labasan,” paglalahad niya.

“Mahirap, eh, para makita. Baka mamaya, alam mo sabi ko nga, it must be a humane environment. Dapat walang nilalabas. Baka mamaya nilalabas sa kulungan… o may mga abuses, so para klaro ito, I would strongly suggest… na magkaroon ng mga CCTVs,” patuloy niya. RNT/SA