Blacklisted na recruitment agencies ilalabas ni Ople

Blacklisted na recruitment agencies ilalabas ni Ople

August 19, 2022 @ 9:36 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Maglalabas ang Department of Migrant Workers (DMW) ng listahan ng mga blacklisted at mga may bad record na foreign employers at recruiters para  higit na maprotektahan ang overseas Filipino workers (OFWs), partikular ang mga domestic helper.

“Safeguarding the rights and welfare of our migrant workers is at the heart of the DMW’s programs, services, and agreements. We will always strive to do our best amid so many challenges in the world we live in,” ani Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople sa isang pahayag.

Idinagdag ni Ople na isasaalang-alang ng kagawaran ang mga layunin na itinakda ng United Nations Global Compact on Safe, Orderly and Regular Migration sa pakikipagnegosasyon sa mga bilateral labor agreement sa ibang mga bansa.

Balak din ng DMW na maglabas ng ‘white list’ ng recruitment agencies na consistent na sumusunod sa patakaran at pagtaguyod ng kapakanan ng OFWs.

Sinabi ng kagawaran na ito ay magsisilbing gabay para sa mga OFW at dayuhang employer.

Ang DMW ay magkakaroon din ng pagsusuri sa mga lisensyadong recruitment agencies at kanilang mga foreign counterparts batay sa deployment number at ang kapasidad na subaybayan at kumilos sa mga kaso ng welfare.

Narito ang iba pang mga hakbangin na ilulunsad ng DMW upang higit na maprotektahan ang mga OFW:

– Pag-isyu ng mga kontrata sa pagtatrabaho na partikular sa bansa, na isinasaalang-alang ang mga umiiral na batas sa paggawa at mga patakaran sa migrasyon, pati na rin ang mga nilalaman ng mga bilateral na kasunduan sa paggawa, kung mayroon man, sa mga bansang destinasyon ng trabaho;

– Mahigpit na mga alituntunin ng departamento upang matiyak na ang mga kuwalipikado at ganap na sinanay na domestic worker lamang ang ipadadala sa ibang bansa; at

– Mandatoryong pagpapanood ng lahat ng bagong employer ng isang video sa mga karapatan at kapakanan ng OFW bago mapirmahan ang anumang kontrata sa pagtatrabaho. RNT