Blended learning tuloy, pero sa ‘very specific’ areas lang-PBBM

Blended learning tuloy, pero sa ‘very specific’ areas lang-PBBM

July 20, 2022 @ 1:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Magpapatuloy ang blended leaening sa darating na pasukan ngunit sa mga “very specific” na mga lugar lamang sa gitna ng pandemya ng COVID-19.

Sinabi ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpupulong kasama ang mga opisyal ng Gabinete nitong Martes.

Sa pulong, hiniling ni Marcos kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte na tukuyin ang mga lugar kung saan ipatutupad pa rin ang blended learning.

“Ang gawin na lang natin [ay] i-identify saan ‘yung mga areas na magbe-blended learning para maka-focus tayo. Ihanda yung mga device at kailangan nila noong pandemic hindi nasu-supply-an sa mga bata,” ani Marcos sa pulong.

“We continue with blended learning pero in very specific places lang. As much as possible, face-to-face na talaga [it should be face-to-face],” giit pa ng Pangulo.

Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang 100% face-to-face classes sa huling bahagi ng taong ito.

Sa ilalim ng Order No. 34 nito, lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ay dapat na lumipat sa limang araw na personal na klase bawat linggo simula Nobyembre.

Gayunpaman, maraming mga isyu, tulad ng pagkakaroon ng mga silid-aralan at mga guro, bukod sa iba pa, ay nagdudulot ng mga hamon sa pagpapatupad nito.

Ayon sa pahayag ng Palasyo, napag-usapan ng mga opisyal ng gobyerno sa pulong kung dapat nang ihinto ng DepEd ang blended learning pagkatapos ng Oktubre 31.

Sa pagpupulong, ipinunto ni Marcos ang mga alalahanin sa internet connectivity, ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, at iba pang mga isyu na maaaring makaapekto sa pagsasagawa ng face-to-face na mga klase.

Kung hindi matutugunan ang mga pangunahing alalahanin sa face-to face classes, sinabi ni Marcos na mapipilitan ang gobyerno na ipagpatuloy ang pagdaraos ng blended learning classes.

Sinabi naman ni Duterte kay Marcos na maghahanda ang DepEd ng plano kung ano ang gagawin pagkatapos ng Oktubre 31.

Ang kamakailang survey ng Pulse Asia na kinomisyon ni Senator Sherwin Gatchalian, na binanggit ni Duterte sa pulong, ay nagpakita na humigit-kumulang 94% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ang sumasang-ayon na ang mga bata ay dapat payagang dumalo sa harapang klase.

Samantala, sa pagpupulong din, inutusan ni Marcos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na muling itayo at ayusin ang mga gusali ng paaralan na winasak ng Bagyong Odette noong 2021. RNT