BLENDED LEARNING

BLENDED LEARNING

June 27, 2020 @ 11:48 AM 3 years ago


Maliban sa ekonomiya, lubha, ring naapektuhan ng Coronavirus Disease 2019 ang edukasyon ng 27.2 milyong mag-aaral na nasa pampubliko at pribadong edukasyon at 3.2 milyon sa kolehiyo.

Marami sa kanila ay naging awtomatiko na lamang ang pagpasa sa susunod na antas o makatapos dahil sa pandemya.

Kaya mula sa halos dalawang buwan na bakasyon lamang ng mga estudyante ay naging anim na buwan na ito, lalo pa’t ang pagbubukas ng susunod na klase para sa taong 2020-2021 ay sa August 24, 2020 pa.

Para sa paparating na pasukan, panukala ng Department of Education sa pangunguna ni Secretary Leonor Briones na gamitin ang tinatawag na BLENDED LEARNING o HYBRID LEARNING ang pagsasanib ng “online distance learning”, “in-person delivery” ng mga educational material sa mga estudyante at ang mala-tele-paaralan o ang pag-aaral gamit ang telebisyon at radyo para sa mga lugar na wala o lubhang mahina ang internet connection o sa mga estudyante na walang kakayahan para magkaroon ng computer at internet.

Sinimulan nitong June 1, 2020 ang pagpapatala para sa mga mag-aaral para sa elementarya, sekondarya at senior high school para sa school year 2020-2021.

Ayon sa DepEd, higit 13 milyong estudyante na ang nagpa-enroll para sa nalalapit na pasukan.

Dito inaalam ng Kagawaran kung ano ang nais na pamamaraan ng pagtuturo ang gagamitin alinsunod sa blended education.

Marami ang nangangambang magulang sa desisyon ng DepEd na ipagpatuloy ang klase pero may punto naman si Secretary Briones na hindi dapat maapektuhan at maantala ng COVID-19 ang kaalaman ng ating mga mag-aaral.

Bilang pagsasaalang-alang nga ay binuo ang konsepto ng blended learning kung saan ay wala na ang face-to-face interaction ng estudyante at guro kundi gagabayan sila sa pamamagitan ng akmang social media application sa kanilang pag-aaral o kaya ay sa panonood ng telebisyon o pakikinig sa radyo.

Sa National Capital Region, bagama’t mabagal ang internet connection ay halos lahat ng mga bahay ay mayroong gadget, laptop o desk top computer sa kanilang tahanan.

Para sa mga wala, ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa pangunguna ni Mayor Joy Belmonte ay naglaan ng pondong Php 2.9 Billion para bumili ng school tablets at flash drives na ipamamahagi sa 430,000 mag-aaral sa mga pampublikong paaralan.

May halos kaparehong plano rin si Manila Mayor Isko Moreno na magkakaloob naman ng 110,000 piraso ng tablet at 11,000 laptop para sa mga estudyante at guro ng lungsod na may kasama pang sim card na may libreng 10-gigabyte bandwidth at pocket wifi devices.

Pipiliin mula sa 275,000 mag-aaral ang mapagkakalooban ng tablet.

May halagang Php 994 million ang pondong inilaan para rito.

Ang Pasig City rin sa pangunguna ni mayor Vico Sotto ay naghanda ng Php 1.2 bilyong pondo para sa pambili ng tablet para sa 140,000 estudyante at laptop para sa mga guro.

Pero hindi lahat ay kasing-palad ng mga lungsod na ating nabanggit.

May 860 sa 1,643 munisipalidad ang nasa kategoryang ‘low income’ na may poverty incidence na mula 60% o higit pa sa ating bansa na walang kakayahang matustusan ang tablet o laptop para sa mga mag-aaral at guro.