Blueprint ng regional specialty hospital, ilatag na-Angara

Blueprint ng regional specialty hospital, ilatag na-Angara

August 1, 2022 @ 12:07 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinapurihan ni Senador Sonny Angara ang plano ng administrasyong Marcos na magtayo ng specialty hospital kada rehiyon sa buong bansa kaya’t kailangan nang mailatag ang blueprint bilang magandang simula.

Ganito ang reaksiyon ni Angara, chairman ng Senate committee on finance, sa panayam hinggil sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) sa pagtatayo ng specialty hospital sa bawat rehiyon.

“Medyo isang malaking hamon yan, napaka-ambisyoso nitong programa pero napakaganda kung magawa natin,” ayon kay Angara.

Sinabi ni Angara na may posibilidad na hindi makumpleto ang plano sa termino ni Marcos ngunit kung may timeline sa proyekto, pinakareyalistikong hakbang ito.

 “Alam naman po natin maaring hindi matatapos ‘yan dito sa termino ni President Marcos pero ang importante, number one, magawa yung blueprint o yung plano kasi kapag may blueprint, may plano alam kung saan maguumpisa at saan matatapos,” paliwanag niya.

“Wala pang administrasyon ang nakakagawa ng isang daan na ospital sa loob ng isang administrasyon, so, konting reality check lang.”

Naunang sinabi ni Angara na maaaring gamitin ng pamahalaan ang Health Facilities Enhancement Fund ng Department of Health sa pagtatayo ng specialty hospitals as at pag-upgrade ng health facilities kabilang ang pagbibigay ng kinakailangang medical equipment.

Maaari rin kumuha ng pondo ang pamahalaan mula sa Department of Public Works and Highways o sa pamamagitan ng public-private partnership.

“Napakinabangan natin nang husto ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital at National Kidney and Transplant Institute. Kaya maliwanag na hindi lamang dapat dito lamang sa National Capital Region kundi maging sa ibang parte ng bansa kailangan magdagdag ng ganitong uri ng mga pagamutan,” giit pa ni Angara. Ernie Reyes