BNNP ‘tapos na’ political will na lang kailangan-DOST official

BNNP ‘tapos na’ political will na lang kailangan-DOST official

August 11, 2022 @ 10:47 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ang Bataan Nuclear Power Plant ay maaaring maging operational sa loob ng apat hanggang limang taon kapag naayos na ang lahat ng isyu tungkol sa pasilidad, sinabi ng isang sangay ng Department of Science and Technology.

“Halos tapos na ‘yan, [pero] depende sa political will, we can run it in 4 to 5 years. Depende sa usapan yan,” ani DOST Philippine Nuclear Research Institute Director Carlo Arcilla sa CNN Philippines.

Matatandaang sa unang SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay ipinanawagan niya ang pagsuri sa paggamit ng nuclear plants sa bansa bilang solusyon sa problema sa pinagkukuhanang enerhiya.

Nauna na ring sinabi ni Marcos Jr. na sisiguraduhin niyang makasusunod ang BNNP sa mga international standards bago ito buksan.

Sinabi ni Arcilla na ilan sa mga isyung aayusin ay ang mga posibleng pagbabago sa Electric Power Industry Reform Act, at pagkuha ng pag-apruba ng lokal na pamahalaan ng Bataan upang patakbuhin ang power plant.

Bilang regulator, titiyakin aniya nila na magiging ligtas ang pasilidad, kung hindi, hindi ito papayagang mag-operate.

Nauna na ring nag-alok ang South Korea na pangunahan ang pagsasaayos sa BNNP sa halagang $1.2 bilyon, mas mura kaysa sa pagtatayo ng bagong planta ng nuclear power na maaaring nagkakahalaga ng humigit-kumulang $8 bilyon, ipinaliwanag pa ng opisyal.

Sinabi ng opisyal na mayroong kasalukuyang 450 nuclear power plant sa buong mundo, na marami sa mga ito ay tumatakbo nang 50 hanggang 60 taon. Sa Estados Unidos lamang, halos 100 nuclear power facility ang nagpapatakbo, na nagbibigay ng 20% ​​ng enerhiya nito, dagdag niya. RNT