BOC aalalayan ng US sa paghawak ng ‘weapons of mass destruction’

BOC aalalayan ng US sa paghawak ng ‘weapons of mass destruction’

October 27, 2022 @ 11:55 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Ipinahayag ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na nagbigay sa kanila ng suporta ang Defense Threat Reduction Agency (US-DTRA) ng Estados Unidos hinggil sa pagtukoy at pag-iwas sa transportasyon ng itinuturing na “weapons of mass destructions (WMD) sa gitna ng patuloy na banta ng mga aktibidad ng terorismo.

Ang pangako ng suporta ay ginawa sa courtesy call ng mga opisyal ng US-DTRA kay BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz kung saan ang mga opisyal ng US ay nangakong susuporta sa pagsasanay ng mga lokal na tauhan ng BOC upang pahusayin ang kanilang kakayahan sa paghawak at paglilipat ng “dual goods” bago ito idispose o itapon.

Nag-ugat ang courtesy call sa partnership ng US-DTRA sa Department of Trade and Industry-Strategic Management Office (STMO) sa pamamagitan ng Strategic Offensive Arms Elimination (SOAE) Program para magsagawa ng WMD Material Post-Interdiction Disposition Needs and Gap Analysis.

“SOAE Program aims to support the safe and secure elimination of WMD delivery systems, as well as related materials, technologies, and expertise,” saad ng BOC.

Nabatid na nagsagawa din ng site visit ang mga opisyal ng US-DTRA at STMO sa mga daungan ng BOC upang masuri ang mga kasalukuyang protocol at kakayahan ng ahensya na humahawak ng dual goods, dahil magbibigay sila ng ulat na naglalaman ng kanilang paunang pagsusuri at mga rekomendasyon pagkatapos. Kabilang sa mga binisita ay ang Manila International Container Port (MICP), ang Port of Manila (POM) at ang Ninoy Aquino International Airport.

Ayon kay Ruiz, ang pagbisita sa site ay naglalayong suriin ang kapasidad ng mga daungan na magsagawa ng mga pagsusuri at tamang pagdispose ng mga materyales ng WMD na dumadaan sa bansa at rehiyon.

“The BOC will work closely with the US-DTRA in developing a cohesive plan for the agency in addressing concerns on the identification, safe handling, transportation, disposition, and counterproliferation of WMD materials,” ani Ruiz. Jay Reyes