BOC, DA magkakasa ng joint filing vs kontrabando

BOC, DA magkakasa ng joint filing vs kontrabando

November 9, 2022 @ 3:45 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Iminumungkahi ng Bureau of Customs o BOC na magkaroon ng ‘joint filing’ kasama ang Department of Agriculture (DA) laban sa mga kontrabando o misdeclared goods na nahaharang ng bureau.

Ayon kay BOC spokesperson Arnold de la Torre Jr., Chief Customs Operation, kasama na nilang nagmomonitor ang DA dahil ang BOC lamang aniya ang pinapayagang maghain ng kaso sa Department of Justice.

Dagdag pa ni de la Torre, sa kanyang pagdalo sa Kapihan sa Manila Bay forum, kapag naisampa na ang kaso sa Department of Justice, ang Bureau of Customs lang ang tumututok para umusad ang kaso at magkaroon ng mataas na conviction.

Kung ipapatupad aniya at magkaroon ng pag-amyenda sa batas na may kaugnayan sa agricultural smuggling, ang panukala aniya para sa pangmatagalang solusyon ay makasama ang Department of Agriculture.

“Pero dahil sa implimenting rules is Bureau of Customs lang yung nakalagay, so nirevisit ho ito ng ating commissioner na dapat samahan niyo na kami– para pagbi-build ng kaso mas malakas ang pagpa-follow up,” pahayag ni de la Torre.

Nagkaroon na aniya ng pagpupulong hinggil dito at para sa pag-amyenda sa naturang batas.

Paliwanag ni De la Torre, kapag pinagsama ang dalawang batas (IRR ng BOC at RA ng DA) ay mas maganda aniya itong maipatutupad.

“Kung kayo po ay naisyuhan ng kaukulang permits, ang Department of Agriculture po ay andiyan para tulongan sila sa pag-iisyu ng permits– and kami naman po sa amin, sa parte namin ang pagbabantay ho namin na ito ay hindi mami-misdeclare–nandun po kami,” dagdag pa ng opisyal. Jocelyn Tabangcura-Domenden