BOC, DA officials, mayors pinangalanang ‘agri smuggler, protektor’

BOC, DA officials, mayors pinangalanang ‘agri smuggler, protektor’

June 28, 2022 @ 9:25 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinangalanan ng isang Senate Committee of the Whole report na inilabas nitong Lunes ang mga sinasabing protektor at smuggler ng mga produktong pang-agrikultura.

Kabilang na rito si Customs Commissioner Rey Guerrero at ilang opisyal ng Bureau of Customs at Department of Agriculture

Nilagdaan ang 63-pahinang dokumento sa imbestigasyon sa sinasabing vegetable at agri product smuggling sa bansa  ng 17 senador.

Pinangalanan ng report ang 22 katao na nauugnay sa umano’y smuggling batay sa intelligence report na natanggap ni Senate President Vicente Sotto III noong Mayo 17, 2022 na naglalaman ng “validated list” ng mga taong sinasabing sangkot sa iligal na pag-angkat ng mga produktong agrikultural sa bansa.

Kabilang dito sina:

-Bureau of Customs chief Rey Leonardo Guerrero

-Department of Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan

-Customs Deputy Commissioner para sa Intelligence Group na si Raniel Ramiro

-Customs Deputy Commissioner Vener Baquiran ng Customs Revenue Collection Monitoring Group

-Director Geofrey Tacio ng Customs Intelligence and Investigation Service

-Atty. Yasser Abbas ng Customs Import and Assessment.

-Bureau of Plant and Industry Director George Culaste

-Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director Eduardo Gongona

-Laarni Roxas ng BPI Plant Quarantine Services Division Region 3

-Toby Tiangco na na-tag bilang “smuggling protector” ng mga produkto ng BFAR

-Mayor Jun Diamante na “player” umano sa daungan ng Davao, Cagayan de Oro, Cebu, at Subic; at

-Gerry Teves na sinasabing “number one smuggler” ng mga meat products “naglalaro sa mga pangunahing daungan” gaya ng Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Batangas at Cebu.

– David Tan alyas David Bangyan

– Manuel Tan

– Jude Logarta

– Leah Cruz AKA Luz Cruz, Lilia Matabang Cruz

– Andy Chua

– George Tan

– David Bangayan

– Paul Teves

– Tommy Go

– Wilson Chua

Samantala, nagkomento naman ang ilan sa mga nasangkot at itanggi ang kanilang partisipasyon sa nasabing malawakang smuggling sa bansa, base sa ulat ng GMA.

Naunang dumipensa si Navotas City Mayor Toby Tiangco at sinabing isinasangkot siya ng kanyang mga detractors sa malawakang agricultural smuggling sa bansa upang maiwasan niyang mahuli ang mga “totoong” smugglers.

“Sa mga nagdawit sa ‘kin dyan o dun sa mga sindikato, kung sa tingin ninyo sa pagsubok nyo na sirain ang pangalan ko eh hihinto ako, hinding-hindi ako hihinto. Hinding-hindi ako hihinto na habulin kayong mga agricultural smuggler,” ani Tiangco.

Ipinunto pa ni Tiangco na sa apat na kaso ng smuggling na isinampa sa Department of Justice mula 2016 hanggang 2021 na may probable cause, ang dalawa rito ay isinampa ng lokal na gobyerno ng Navotas.

“It is ironic that I am identified as an alleged protector when two out of the total four cases in the whole Philippines with probable cause were filed by the city government of Navotas,” aniya pa.

Sinabi naman ni Culaste na imposible siyang makatanggap ng suhol o tara dahil online na nga ang transaksyon ngayon.

“‘Di na nga kami nagkikita niyang mga imported na ‘yan, manghihingi pa ako? Bakit sila magbibigay ng tara-tara eh online ko ina-approve, online sila nag-a-apply ng SPIC? Ever since na in-assign po ako rito sa BPI, wala po akong kahit even a single centavo na hiningi dito sa mga importer,” ani Culaste.

Nakasaad din sa report ang halaga ng smuggled agri-fishery commodities mula 2019 hanggang 2022 na aabot sa P667.5 million. Umabot din sa 31 smuggling cases ang pending pa mula May 28, 2021 na may P848.327 milyong halaga.

Natuklasan din ng Senate panel na laganap ang smuggling dahil sa kabiguang ma-fully digitalize ang inspection processes at bunsod na rin ng kakulangan ng first border inspection.

Kasama sa rekomendasyon ng ulat ay ang pagpapalakas ng inter-agency coordination; paglalagay ng mas maraming resources sa law enforcement agencies na nakatuon sa pagsawata ng smuggling; dapat mas lagyan pa ng ngipin ang batas na nagpaparusa sa smuggling, pag-alis sa human intervention at iba.

Nilagdaan ang Committee of the Whole report nina Sotto, Senators Panfilo Lacson, Nancy Binay, Bong Go, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Imee Marcos, Grace Poe, Manny Pacquiao, Bong Revilla Jr., Francis Pangilinan, Joel Villanueva, Aquilino Pimentel III, Cynthia Villar, Juan Miguel Zubiri, Ralph Recto, at Franklin Drilon. RNT