BOC doble-kayod vs agri smuggling

BOC doble-kayod vs agri smuggling

March 17, 2023 @ 7:04 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Todo-kayod pa ang Bureau of Customs (BOC) sa kampanya nito laban sa smuggling ng mga agricultural products kasunod ng pagbibigay ng administrasyong Marcos ng P42.8 bilyon na pondo ngayong taon para sa pagpapalakas ng domestic farm output.

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Rubio, pinaigting ng ahensya ang kanilang mga hakbang upang matunton ang mga smuggled agricultural products, kasabay ng paghahain ng nararapat na kaso sa mga mapansamantalang importers.

Sa ngayon ay nakapaghain na ng limang warrants of seizure and detention ang BOC laban sa ilang agricultural shipments.

Ang unang batch sangkot ang 30,000 sako ng misdeclared refined sugar na nagkakahalaga ng P150 milyon ay nadiskubre ng BOC sa pamamagitan ng physical examination ng 58 container sa Subic Bay New Container Terminal noong Marso 2.

“We strongly condemn those unethical acts of fraudulent importers as they endanger the health and safety of local consumers and negatively impact the livelihood of local farmers and businesses,” ani Rubio.

“As we heighten our intelligence and enforcement measures to thwart smuggling attempts of unscrupulous importers, we also ensure that those found guilty face the maximum lawful consequences they deserve,” dagdag pa niya.

Maliban dito, nasabat din sa Subic ang misdeclared assorted frozen meat products na nagkakahalaga ng P40 milyon sa dalawang container ng squid rings.

Noong Marso 10, nadiskubre rin ng BOC ang pula at dilaw na sibuyas sa 18 container na dapat sana ay naglalaman lamang ng pizza dough at fish ball.

Samantala, sinabi ng Department of Budget and Management na bahagi ng national budget ay ang P42.8 bilyon na layong suportahan ang food security programs ng pamahalaan at palaguin pa ang agriculture sector.

Binigyan din ng P30.3 bilyon ang National Rice Program, o doble sa budget para sa rice production noong 2022 habang ang
National Corn Program ay mayroon namang P5.02-billion na budget ngayong taon. RNT/JGC