BOC handa na sa sirit-parcel sa NAIA

BOC handa na sa sirit-parcel sa NAIA

September 16, 2022 @ 10:58 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – HANDA na ang pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) at ang pribadong sektor sa pagdagsa ng mga papasok na parcels sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa darating na holiday season.

Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni BOC-Port of NAIA district collector Carmelita Talusan na nakipagpulong sila kamakailan sa partner nilang Customs Facility and Warehouse (CFW) operators gaya ng DHL Express Philippines upang talakayin ang mga kaayusan para sa mabilis na pagpapalabas ng mataas na volume ng maliliit na parcels.

Aniya, handa na ang BOC-Port of NAIA at nagsagawa na ng mga proactive na hakbang upang matugunan ang mga inaasahang isyu at alalahanin.

Kabilang sa mga ito ay ang pagpapatupad ng extended working hours, 24/7 X-ray examinations, regular na K9 sweeping, at mga pinabilis na clearance para maiwasan ang pagkaantala.

Samantala, tiniyak ng DHL na pinag-aaralan nila ang kanilang roster para magdagdag pa sila ng mga tauhan kung kinakailangan kung saan nangako rin ito na patuloy na makikipag-ugnayan sa BOC NAIA para sa maagap at agarang pagproseso at pagpapalabas ng mga importasyon ng regalo mula sa ibang bansa.

Dumalo rin sa pagpupulong noong Setyembre 13 si DHL Express Philippines country manager Nigel Lockett, head of operations Promod George, Customs Clearance manager Cecilia Paras, at iba pang BOC NAIA chiefs.

Batay sa kaugalian, ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa ay nagpapadala ng mga parsela/pakete na kadalasang regalo sa kanilang mga mahal sa buhay at kamag-anak sa bansa sa panahon ng Pasko. Jay Reyes