BOC naglunsad ng trace detection system vs terorismo, iligal na droga

BOC naglunsad ng trace detection system vs terorismo, iligal na droga

April 21, 2022 @ 3:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inilunsad ng Bureau of Customs (BOC) ang 16 units ng Trace Detection System (TDS) na itatalaga sa iba’t ibang daungan sa bansa mula Abril hanggang Mayo 2022.

Sinabi ng BOC na ang TDS, o ang NUCTECH TR3000DE, ay isang mahalagang karagdagan sa non-intrusive inspection capability ng Bureau dahil dinisenyo ito upang matukoy ang mga pasabog, narcotics, at droga.

Anito, matutukoy ang mga ito sa pamamagitan ng sampling ng non-visible trace amounts ng particulates mula sa mga kargo.

“The newly-acquired system boasts a throughput of three times more than the traditional systems. The monitoring of the TDS is located at the Customs Operations Center, featured among its wide array of safety, enforcement, and security systems and manned by the ESS (Enforcement and Security Service) personnel,” ayon sa pahayag.

Nagtalaga na ng tig-dalawang units ng TDS sa Manila International Container Port at sa Ninoy Aquino International Airport habang tig-isang unit naman sa Port of Cagayan De Oro, Port of Manila, at sa Customs Anti-Drug Task Force.

Samantala, itatalaga ang mga natitirang unit hanggang Mayo ng taong ito, kung saan maglalagay ng tig-dalawang unit sa Port of Cebu at sa Port of Davao, at tig-iisang unit sa Port of Zamboanga, Port of Limay, Port of Subic, Port of Clark, at sa Port of Batangas. RNT/SA