BOC nagsampa ng kaso vs 33 agri smugglers

BOC nagsampa ng kaso vs 33 agri smugglers

November 17, 2022 @ 7:45 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng kampanya ng Bureau of Customs (BOC) na wakasan ang smuggling ng mga produktong agrikultura sa bansa, nasa 33 importer at 11 customs broker ang sinampahan nila ng kaso sa Department of Justice (DOJ).

Ayon sa BOC, mula Enero hanggang sa kasalukuyan ay umabot sa 33 kaso ang isinampa ng Action Team Against Smugglers (BATAS) ng Bureau sa DOJ kung saan sa 33 kaso, 22 ang sinampahan ng paglabag sa Republic Act. No. 10845, o ang Anti-Agricultural Smuggling ng 2016.

Sa nasabing bilang, siyam na kaso ang laban sa siyam na importer at limang customs broker na inihain sa ilalim ng administrasyon ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz dahil sa pinaigting na border protection measures ng BOC.

May kabuuang “dutiable value” na P251.61 milyon ang hinahabol ng BOC sa mga naisampang kaso, habang nasa P107.19 milyon naman ang hinahabol na bayarin sa mga duties, buwis at iba pang bayarin.

Ang pagsasampa ng mga kaso ay bunga umano ng pagpapalakas ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa kanilang “risk profiling” at inspeksyon ng mga shipments at mga bodega.  JAY Reyes