BOC: Nakumpiskang gadgets ibibigay sa DepEd

BOC: Nakumpiskang gadgets ibibigay sa DepEd

September 23, 2020 @ 5:07 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Nagsasagawa ng imbentaryo ang Bureau of Customs (BOC) sa mga nakumpiska nilang gadgets kung saan plano nila itong i-donate sa Department of Education (DepEd) bilang tulong sa “distance learning” sa darating na pasukan dulot ng nararanasang pandemya.

Sa ginanap na budget hearing ngayong araw, sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na pinoproseso ngayon ng ahensya ang posibleng donasyon ng mga gadget tulad ng mga cellphone at laptop sa DepEd.

“We are just processing the deeds of donation so that these can be donated to the proper agency, subject to clearances provided by the regulatory agencies that cover these gadgets,” ani Guerrero sa mga senador.

Ayon pa sa opisyal, bukod sa mga gadgets ay plano din nilang magbigay ng mga school supplies sa DepEd gayundin sa iba pang ahensiya ng gobyerno.

Batay sa datos ng DepEd, nasa 24 milyon estudyante ang nag-enroll ngayong darating na pasukan sa Oktubre 5, 2020.

Matatandaan na naudlot ang pagbubukas ng 2020-2021 school year noong Agosto 24 at inilipat na lamang sa darating na Oktubre 5 dahil na din sa epekto ng pandemya.

Dahil sa ipatutupad na distance learning, ang mga pamilya na mula sa mahihirap at “marginalized sector” ay nagpahayag ng pag-alala dahil wala umano silang kakayanan na magkaroon ng gadgets at internet connectivity.

Samantala, ibinahagi din ni Guerrero sa naganap na pagdinig ang utos ni Finance Secretary Carlos Dominguez III sa BOC na tingnan ang iba pang mga nakumpiskang kalakal na maaaring ibigay at mapakinabangan ng iba pang ahensiya ng gobyerno.

“We have instructions from no less than the Secretary to conduct an inventory of all these items that need to be disposed, and those that can be donated are being donated,” ani Guerrero. JAY Reyes


  •  
  •  
  •  

Loading...