BOC: P1B puslit na agri products, nasabat sa ilalim ng Marcos admin

BOC: P1B puslit na agri products, nasabat sa ilalim ng Marcos admin

December 12, 2022 @ 8:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Customs (BOC) nitong Linggo na nakasamsam na ito ng mahigit P1 bilyong puslit na agricultural products mula nang pumasok ang administrasyong Marcos.

Sinabi ni BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr. na patuloy na ikinakasa ng ahensya ang kampanya nito laban sa agricultural smuggling, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“‘Yung accomplishment natin simula dumating ang ating Presidente at pag-assume ng position ng ating Commissioner, ‘yung na-accomplish niya ay nagkaron na tayo ng 96 seizures ng mga agricultural products or in total is mahigit P1 billion ang nakuha natin kung ito ay nakalabas,” paglalahad niya.

Sinabi pa ni Dela Torre na ang pinakabagong interception ng BOC ng smuggled agricultural products ay naganap sa Port of Subic kung saan natuklasan ang frozen carrots, at red at white onions galing China sa loob ng container shipments.

“Nakikita siguro ng mga nagtatangka na mura ‘yung pagkakakuha nila ng agricultural products sa bansang China and para ipalusot sa ‘tin. Ganoon kalakas ang loob nila,” giit ni dela Torre.

“Nu’ng nagkaron tayo ng inspection… ‘yun pong naka-deklara ay halos kalahati talaga ng laman ng container, at ‘yung kalahati, kapag hindi ka nag-inspect talaga ng 100% ay merong nakasingit na mga agricultural products,” patuloy niya.

Samantala, nanawagan si Benguet Representative Eric Yap sa BOC na maghain ng criminal cases laban sa consignees ng shipments ng agricultural products na iligal na ipinapasok sa bansa.

“We are urging the BOC to file a case against those involved sa pagpasok ng mga container shipments na ito sa bansa,” pahayag niya.

“Bigyan natin ng sample ang agri smugglers, ipakita na may ngipin ang batas natin. More than one million ang halaga nito, dapat no bail. Pangalanan lahat, kasuhan, at ipakulong,” he added.

Inihayag ni Yap na halos P20.193 milyong halaga ng smuggled agricultural products ang posibleng nakapasok na sa merkado at nakaapekto sa mga lokal na magsasaka, at mas posible rin umanong mas malaki ang pagkalugi sa industriya.

“‘Pag hindi pa nakulong ang consignees, brokers, at iba pang involved dito, paano na?” aniya.

“Magpa-file uli tayo ng House Resolution na mag-iinquire na bakit wala pa rin napapakulong kahit may ebidensya naman. Gusto natin malaman paano masisiguro na mapapanagot ang mga smugglers na ito,” dagdag niya.

Nauna nang nagbabala si Marcos, na concurrent Agriculture secretary, na tutugisin ng pamahalaan ang mga indibidwal na sangkot sa agricultural smuggling. RNT/SA