BOC: P24.28B smuggled products nasabat ngayong Enero

BOC: P24.28B smuggled products nasabat ngayong Enero

January 16, 2023 @ 9:20 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Customs (BOC) nitong Linggo na nagsagawa ito ng 709 seizures, kung saan nakumpiska ang puslit na produkto na may tinatayang halaga na P24.28 bilyon, ngayong Enero.

“Ito po ‘yung mga smuggled goods from illegal drugs, hanggang sa fuel oil… kasama po ‘yung agricultural products and counterfeit goods,” pahayag ni BOC spokesperson Arnaldo dela Torre Jr.

Sa halagang ito, P12 bilyon ang nakumpiskang iligal na droga, P7.69 bilyong pekeng produkto, at P1.87 bilyong agricultural products.

Inihayag din ni Dela Torre na karamihan sa nakumpiskang agricultural products ay galing China.

“Out of 709 seizures, 137 ang agricultural product na nasabat natin… karamihan ng mga nakadeklara na papeles ay frozen food. Itong huling nahuli natin, idineklarang fish ball pero in fact, onions ang nasa loob,” anang BOC spokesperson.

Sinabi ni Dela Torre na nagsagawa ang DA ng pulong at talakayan sa BOC para palalalimin at palakasin ang pagsisikap laban sa illicit trade ng agricultural products.

“Pagdating sa validation at clarification sa mga permit issued by the DA, at sa BOC, ‘yung listahan ng mga consignee, sa stage pa lang ng accreditation, may koordinasyon na tayong ibinibigay sa DA,” pahayag niya.

“Pinalakas rin natin ang intelligence and enforcement capabilities natin… pagdating sa pagpo-profile to support ‘yung risk management natin, talaga naman pong mas maayos na nai-implement natin ngayon,”  dagdag ng opisyal.

Nagtalaga rin umano ang Agriculture Department ng focal persons para mabilis na ma-validate ang issued permits.

“Bukod sa online verification, mayroon din tayong personal na pagtawag… ‘yung koordinasyon ng bawat ahensya ay nailugar natin para mas effective po na makahuli tayo,” sabi ng BOC official.

“Sina-subpoena natin ‘yung mga consignee at broker ng mga party na involved,” aniya pa. RNT/SA