BOC sa OFWs: Mga kompanyang nagpabaya sa balik-bayan boxes, panagutin!

BOC sa OFWs: Mga kompanyang nagpabaya sa balik-bayan boxes, panagutin!

November 8, 2022 @ 3:39 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Hinimok ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), partikular na ang nagkaproblema sa mga balikbayan boxes, na personal na maghain ng reklamo para mapanagot ang mga kompanya na nagpabaya sa pagpapadala nito.

Ayon kay BOC Spokesperson Arnold de la Torre Jr., nakipag-ugnayan na sila sa Department of Migrant Workers (DMWs) upang mabigyan ng babala ang mga OFW’s hinggil sa palpak na operasyon ng CMG International Movers, Island Kabayan Express Cargo at Win Balikbayan Cargo.

Aniya, nakausap na rin nila ang Department of Trade and Industry-Fair Trade Enforcement Bureau (DTI-FTEB) upang mapanagot ang local company na kontak ng mga nabanggit na kompanya.

Dagdag pa ni De la Torre, gumagawa na sila ng hakbang para maabisuhan ang mga OFWs kung ano ang mga dapat gawin para maipadala ng maayos ang mga balikbayan boxes sa tulong na rin ng DMWs.

Iginiit pa ng opisyal na patuloy na pinoproseso ang mga balikbayan boxes para maipadala na agad sa pamilya ng mga OFWs sa tulong na rin ng FR Agbay Enterprises kung saan nasa 3,000 piraso ang kanilang ipapadala.

Panawagan naman ni De la Torre sa mga pamilya ng OFW’s na naghihintay ng balikbayan boxes na hintayin na lamang nila ang mga ito sa kanilang tahanan kung saan sisikapin ng kanilang ahensiya na darating ang mga balikbayan boxes bago mag-pasko. JAY Reyes