BOC sinupalpal ng ilang Senador sa panghihiya sa 10 flight attendant

BOC sinupalpal ng ilang Senador sa panghihiya sa 10 flight attendant

January 16, 2023 @ 4:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kinondena ng ilang mga Senador ang nangyaring panghihiya ng Bureau of Customssa 10 flight attendant na nagtangkang magpuslit ng nasa 40 kilo ng agricultural products katulad ng sibuyas.

Punto ng mga senador, ang mga malalaking smuggler at cartel ay tila hindi mahawakan at mahabol.

Kasabay ng pagdinig ng Senado sa tumataas na presyo ng lokal na sibuyas, nagpahayag ng pagdis-apruba si Senador JV Ejercito sa ulat na iniimbestigahan na ng BOC ang crew members ng Philippine Airlines dahil sa pag-uuwi ng mga sibuyas at prutas mula sa Middle East.

Naniniwala si Ejercito na ang naturang produkto ay gagamitin lamang sa personal na pangangailangan lalo pa sa lumulobong presyo ng sibuyas sa mga pamilihan dito sa Pilipinas.

“Ito ay eye-opener na, ganun na kalala ang ating situation,” anang Senador.

“Milyun-milyon ‘yung nakakalusot sa smuggling, ito papatulan pero ‘yung big-time smugglers, cartel ay nakakalusot,” dagdag pa niya.

Sinegundahan din nina Senador Raffy Tulfo at Senador Grace Poe ang kaparehong sentimyento.

Dagdag pa rito, idiniin ni Poe na mas mataas pa sa presyo ng karneng baboy ang presyo ng sibuyas, at mas mataas din sa minimum wage ng mga manggagawang Filipino na nasa P537 sa Metro Manila. RNT/JGC