Bohol makatatanggap ng P90M mula sa PH gov’t

Bohol makatatanggap ng P90M mula sa PH gov’t

December 30, 2021 @ 6:48 PM 8 months ago


MANILA, Philippines- Makatatanggap ang probinsya ng Bohol ng mahigit P90 milyong financial assistance mula sa gobyerno, halos dalawang linggo matapos hagupitin ng bagyong Odette ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Sa isang virtual briefing, sinabi ni Bohol Governor Arthur Yap na pinangakuan ang probinsya ng Office of the President ng P28 milyon; P55 milyon mula sa National Housing Authority; at P10 milyon mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation ng Department of Social Welfare and Development.

“The P55 million [from] the National Housing Authority was supposedly deposited yesterday,” sabi niya nitong Huwebes.

Halos 11,000 indibidwal naman ang matutulungan ng NHA assistance.

Samantala, iginiit ng gobernador na nililinaw pa umano nila ang disbursement process ng mga pondo mula sa Office of the President.

“Ang hinihintay namin ay P28 million and P10 million AICS. We’re waiting for the transmission of these funds,” ani Yap.

Nitong Miyerkules, inihayag ni Yap ang kanyang pagkadismaya sa umano’y mabagal na tugon ng pamahalaan sa nagdaang kalamidad. RNT/SA