Boksingerong si Canelo binantaan si football star Messi

Boksingerong si Canelo binantaan si football star Messi

November 29, 2022 @ 8:24 AM 2 months ago


AL RAYYAN, Qatar – Dahil sa galit, binantaan ni Mexican boxer Canelo Alvarez si Lionel Messi nang lumabas ang isang video  nitong Lunes kung saan makikitang hinihila ng Argentine star ang isang Mexican jersey gamit ang paa matapos ang kanilang panalo kontra  sa Mexican team “El Tri”  sa ginaganap na World Cup noong Sabado,

“Nakita mo na ba si Messi na naglilinis ng sahig gamit ang aming jersey at bandila?” ani Alvarez noong Lunes sa kanyang Twitter account, na mayroong 2.2 million followers.

“Dapat niyang kausapin ang Diyos para hindi ko siya mahanap!” Idinagdag ni Alvarez sa isa pang Tweet na sinamahan ng dalawang kamao na emoji, isang galit na pulang mukha at isang apoy.

Hindi naman agad tumugon ang koponan ng Argentina para magkomento patungkol sa pahayag at banta ni Alvarez.

Matatandaang si Messi, na nasa edad 35 ay naglalaro sa kanyang ikalimang World Cup, ay umiskor sa 2-0 panalo ng Argentina laban sa Mexico noong Sabado nang makabawi ang mga higanteng South American matapos makaranas ng shock loss sa Saudi Arabia sa kanilang opening game.

Dapat manalo ang Mexico sa kanilang huling laban sa Group C laban sa Saudi Arabia sa Miyerkules upang magkaroon ng anumang pagkakataong makapasok sa huling 16.

Kailangang talunin ng Argentina ang Poland upang matiyak ang isang lugar sa knockout stages, pero sapat na ang isang draw kung ang Mexico at Saudi Arabia ay mauuwi rin sa draw.JC