BOL at National ID system law, opisyal nang nilagdaan

BOL at National ID system law, opisyal nang nilagdaan

August 6, 2018 @ 5:49 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang ceremonial signing ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa Malakanyang.

Kabilang sa mga nakiisa sa event ay ang mga mambabatas at mga lider Moro Islamic Liberation Front, kung saan ang peace document  sa pamahalaan ay  naging blueprint para sa bagong batas.

Ang paglagda sa BOL o Republic Act 11054 ang nagsilbing highlight ng ikatlong  State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte noong Hulyo 23.

Iyon nga lamang, naudlot dahil sa power play sa pagitan nina dating Speaker Pantaleon Alvarez at Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo dahilan upang hindi maratipikahan ang reconciled version ng nasabing batas.

Niratipikahan ng Kongreso ang reconciled version ng bill kinabukasan o araw matapos ang SONA ng Pangulo.

Sa kabilang dako, sinabi ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza na sisimulan ang implementasyon ng BOL sa Agosto 10.

Ang naturang batas na kilala noon bilang Bangsamoro Basic Law ay ibinatay sa nilagdaang peace deal na Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.

Bahagi ito ng agenda ng Duterte administration upang makamit ang kapayapaan at magkaroon ng pagkakaisa ang gobyerno at mga rebeldeng Moro sa Mindanao.

Isinagawa ang signing ceremony sa Rizal Hall ng Malacañang kasabay ng ceremonial signing ng Bangsamoro Organic Law o BOL.

Sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na,  “at the same time, we recognize that more work still lies ahead, and we thank all those who remain patient and committed to this arduous task. We look forward to working with our countrymen in Mindanao in bringing the much-needed development to the island.”

Samantala, nilagdaan naman ni Pangulong Duterte ang batas para sa panukalang national identification system.

Sa isang simpleng seremonya sa Malakanyang ay nilagdaan ng Pangulo ang Philippine Identification System (PhilSys) Act.

“As we all know, the President is averse to bureaucratic red tape. Through PhilSys, we hope to improve efficiency and transparency of public services and promote ease of doing business. For the ordinary Juan de la Cruz, the signing of this Act means that he will no longer have to present multiple identification cards simply to prove his identity. This streamlining of information makes it likewise harder to commit identity theft or fraud,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

Hindi aniya katulad ng nagdaang National ID Bill na idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional bunsod ng  kakulangan sa sistema na magpo-protekta sa database.

Ang bagong ID system aniya na ito ay pumasa sa  lahat ng constitutional requisites.

“There is a privacy law to safeguard the database and the government will have the sole obligation to protect the data gathered in this new system,” aniya pa rin.

Layunin ng National ID Law na pag-isahin ang iba’t ibang government ID upang isang card na lamang ang i-pi-presenta sa kahit anong transaksyon.

Magugunitang niratipikahan ng Kongreso ang nabanggit na bill noong Mayo. (Kris Jose)