BOL, susi sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao

BOL, susi sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao

August 6, 2018 @ 11:25 AM 4 years ago


 

 

Manila, Philippines – Umaasa ang Malakanyang na nasa tamang direksyon ang bansa tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kasabay ng isasagawang ceremonial signing ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Bangsamoro Organic Law.

Patunay ito na may political will ang Pangulo kaya walang imposible para sa mga batas na para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

Mamayang alas-3:30 ng hapon ay magaganap ang Presentation of Republic Act no. 11054 or “The Organic law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao” and Ceremonial Signing of the Philippine Identification System act sa Rizal Hall sa Malacañang, Manila.

Ayon kay Special Assistant to the President Christopher Bong Go, bilang isang taga-Mindanao ay malaking karangalan para sa kanya na masaksihan ang makasaysayang paglalagda sa isang batas na magbibigay ng kapayapaan sa rehiyon na ilang dekada nang inaasam.

Sa kabila nito, aminado si Go na hindi pa tapos ang lakbayin at sa halip ay batid niyang mahaba-habang proseso pa ito kaya naman hinihimok niya ang sambayanan na makiisa para dito.

Binigyang diin ni Go na dapat magkaisa ang mga Kristiyano at Muslim para sa ikapagtatagumpay ng naturang batas at para sa inaasam na pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao at ng sambayanan.

Ang BOL o opisyal na tinatawag na Organic Law for the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay nagbigay daan para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tuluyan nang nag-aalis sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ito ay resulta ng ilang dekadang negosasyon sa pagitan ng mga rebeldeng grupo sa Mindanao at ng gobyerno.

Pangungunahan ni Pangulong Duterte ang makasaysayang seremonya na dadaluhan din ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng Bangsamoro Transition Commission.

Sinabi ni Presidential Adviser Jesus G. Dureza, ang seremonya ay simbolo ng tagumpay para sa Bangsamoro peace process.

Ang paglagda ng Chief Executive sa batas ay patunay lamang anya ng pagtupad ni Pangulong Duterte sa kanyang pangako noong kampanya – ang pangunahan ang pagbibigay ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.

Ayon naman kay Bangsamoro Transition Commission Ghazali Jaafar, ang magaganap ngayong Lunes ay simula ng mas magandang bukas para sa Bangsamoro. Kris Jose