‘Bomb maker’ ng NPA sumuko sa militar

‘Bomb maker’ ng NPA sumuko sa militar

June 23, 2022 @ 2:45 PM 4 days ago


SAN JOSE CITY, Nueva Ecija – Sumuko sa  pamahalaan ang isang  itinuturing na  “bomb making expert” ng rebeldeng New People’s Army (NPA) kamakalawa, sa mga tauhan ng 84th Infantry (Victorious) Battalion ng Philippine Army, dito.

Ayon kay Army Lt.Col. Enrico Gil Ileto, commanding officer ng 84IB, ang sumuko na si alyas “Ka Wing”, 34, isang miyembro ng 2019 LGP1 ay kusang-loob din na nagsuko ng dalawang IEDs o improvised explosive device, kasama ng isang 20-meter detonating cord, isang 500ml bottle na may laman na 125ml phosphorous black powder at dalawang improvised explosive device na anti-tank.

Ayon kay Ileto, si alyas “Ka Wing” ay 5 taon na nag-operate sa lalawigang ito at inilarawan na isang eksperto sa paggawa ng IEDs at miyembro umano siya ng LGP1 o Larangang Gerilya sa Patag 1.

“Ako po ay nagbalik-loob at nagsurender sa ating mga kasundaluhan  sapagkat napagtanto ko na ako lamang ay nililinlang, ginagamit, at pinangakuang mabibigyan ng lupain ng teroristang NPA, at para makapamuhay nang maayos kasama ng aking pamilya at malinis ang aking pangalan,” sabi ni “Ka Wing”, na sumuko sa loob ng Camp Gatan, dito, ganap na alas-2 ng hapon noong Miyerkules.

Muling ipinanawagan ni Ileto sa mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTGs) na talikuran na ang teroristang organisasyon at gamitin ang Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng pamahalaan upang mamuhay nang mapayapa, kasama ang kanilang mga pamilya.

Samantala, pinuri ni MGen Andrew Costelo PA, commander ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, ang 84IB sa pagsuko ng IED expert ng rebelde at umapela sa aktibong CTG affiliate na bumalik sa panig ng gobyerno para magkaroon ng mapayapang pamumuhay. Ver  Sta. Ana