BOMB THREAT AT BOMB JOKE

BOMB THREAT AT BOMB JOKE

January 31, 2023 @ 2:33 AM 2 months ago


MAKARAAN ang ilang bomb threat at bomb joke sa mga iskul sa Quezon City, gumawa na ang lungsod ng panukalang ordinansa laban dito.

Ayon kay 1st District Councilor Dorothy Delarmente, kailangan ang ordinansa para masaklaw ang bomb threat a t bomb joke na ginagawa sa social media at internet at ng mga menor-de-edad.

Paliwanag ni konsehala, mga brad, may batas na sa bomb threat, ang Presidential Decree No. 1727 na pinairal ni noo’y Pangulong Manong Ferdie Marcos noong Oktubre 1980.

Kaya lang wala itong sinasabi ukol sa mga kabataan at sa paggamit ng internet bagama’t binabanggit ang pranksters o nagbibiro sa bomba.

Ang pagkakulong bilang parusa sa PD 1727? Hindi lalagpas sa limang taon. At ang multa? Hindi lalagpas sa P40,000.

Sa panukalang ordinansa, nasa anim na buwan hanggang isang taon ang parusang kulong at nasa P5,000 pataas ang multa, depende sa sitwasyon o apektadong biktima.

Napilitang magpanukala ng nasabing ordinansa ang Kyusi dahil biktima ito ng mga sunod-sunod na bomb threat na sa kalauna’y masasabing biro lamang o kapritso ng kabataan o estudyante at iba pa.

Nagbunga ito ng pagkaistorbo o pagkakansela ng mga klase, pagkasayang ng mga oras, pinansya, tao, gamit at panahon ng mga awtoridad, takot ng mga bata at kanilang mga magulang at iba pa.

Kung tutuusin, hindi imposibleng magkaroon ng bombahan sa mga eskwela dahil meron naman ito talaga sa bansa, sa Kamindanawan man o sa mga lugar na may mga rebeldeng komunista.

Kaya magandang may bomb threat o bomb joke para maging alerto lagi ang lahat.

At makagawa sila ng mga paraan kung sila’y nagkukulang sa ilang mga bagay sa kanilang pagresponde.

Pero ang bomb joke ay iba pa rin, gawa man ng mga kabataan o hindi.

Paano kaya magkaroon ng pambansang batas para rito, mga kagalang-galang na kongresman at senador?