Bong Go: 2023 calamity funds dagdagan 

Bong Go: 2023 calamity funds dagdagan 

November 6, 2022 @ 3:37 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukalang dagdagan ang national calamity fund para sa taong 2023 dahil sa mga nagdaang kalamidad na tumama sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Go na wala siyang tutol na dagdagan ang calamity funds sa pagsasabing tungkulin ng gobyerno na agad tulungan ang mga naapektuhan ng iba’t ibang kalamidad upang agad silang makabangon.

“Susuportahan ko ang pagdagdag sa calamity funds for 2023. Wala akong pagtutol dyan dahil tungkulin natin na matulungan kaagad ang mga tinamaan ng iba’t ibang kalamidad para sila ay makabangon kaagad muli,” sabi ni Go.

Iginiit ng senador, gayunpaman, ang pangangailangang tiyaking magagamit kaagad at naaangkop ang calamity fund. Idinagdag niya na ang mga pondong pang-emergency ay mas epektibong magagamit kung mayroong isang departamento na nakatuon sa pamamahala ng mga programa pagdating sa mga pagsisikap sa pagtulong, pagbangon at rehabilitasyon.

“Subalit ang mas mahalagang tanong ay paano mas masisiguro na magagamit agad at nang mas tama ang malaking pondong ito. Natuto na rin tayo sa naging karanasan natin noong pandemya at nakaraang mga kalamidad,” ani Go.

“Bagama’t malaking tulong ang calamity funds, magiging mas mabilis at mas maayos sana ang paggamit nito kung may iisang departamento na naka-focus sa pamamahala ng mga programa pagdating sa relief, recovery and rehabilitation efforts,” dagdag niya.

Muling iginiit ni Go ang kanyang panawagan para sa pagpasa ng Senate Bill No. 188 o panukala niyang Department Disaster Resilience Act na naglalayong magtatag ng isang ahensya na tututok sa pagpapatupad ng mabilis na hakbang ng gobyerno sa pagtugon sa kalamidad at kaugnay na mga pangyayari.

Pagsasama-samahin ng DDR ang lahat ng mahahalagang tungkulin at mandato na kasalukuyang nakakalat na iba’t ibang ahensyang may kinalaman sa kalamidad. Kapag naitatag, ito ang pangunahing responsable sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad na titiyak na ang mga komunidad ay disaster resilient, adaptive at ligtas.

“Kaya mahalaga na magkaroon sana tayo ng Department of Disaster Resilience headed by a Cabinet-level secretary,” idiniin ni Go.

Binigyang-diin ng senador na panahon na para matuto ng leksyon ang bansa.

“We need a holistic approach in dealing with the more devastating effects of climate change, especially that the Philippines is considered as one of the most vulnerable in the world. Kaya magtulungan tayo para makapagbigay ng mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat,” sabi ni Go.

Samantala, personal na inalam ni Go ang sitwasyon ng mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Paeng sa kanyang pagbisita sa lalawigan ng Cavite at namahagi siya ng tulong sa mga nasalanta sa Bacoor City at Kawit noong Biyernes.

Noong araw na iyon, personal ding pinangunahan ni Go ang relief operation para sa mas maraming biktima ng kalamidad sa Taguig City, partikular ang mga nasunugan.

Siniguro ng senador sa mga nasalanta ng bagyo na kasama ang kanyang mga kapwa lingkod-bayan, nananatili silang nakatuon sa pagtiyak na ang bansa ay makababangon mula sa kalamidad at iba pang sitwasyon ng krisis.

“Ako naman po sa aking maliit na pamamaraan, sa abot po ng aking makakaya tutulong po ako. Iyan naman po ang aking pangako sa inyo. Nabahaan, lindol, sunog (ay sisikapin kong makatulong),” ayon sa senador.

Idinaos sa Maliksi Elementary School sa Bacoor City at Tangulan Arena sa Kawit, namahagi si Senator Go at ang kanyang team ng grocery packs, bitamina, masks, pagkain, at kamiseta sa kabuuang 1,049 biktima ng bagyo.

Nagbigay rin ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development para mas mabilis na makabangon ang mga nasalanta ng bagyo. RNT