BONG GO: 72 MILYON TARGET MATURUKAN NG BOOSTER

BONG GO: 72 MILYON TARGET MATURUKAN NG BOOSTER

January 20, 2022 @ 2:55 PM 7 months ago


Manila, Philippines – Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na target ng pamahalaan na mabigyan ng booster shots ang higit sa 72 milyong Pilipino sa kalagitnaan ng taon, bukod sa inaasam na mabakunahan na ang nasa 77 milyon nating kababayan, kasama ang kabataang edad 12 hanggang 17 bago ang unang quarter ng 2022.

Sinabi ni Go na ngayong taon ay sisikapin ng gobyerno na pabilisin pa lalo ang vaccination drive kaya muli niyang hinimok ang mga awtoridad na tiyaking napapanahon at mahusay ang pamamahagi ng mga bakuna laban sa COVID-19 sa harap ng banta ng Omicron variant.

Halos 5.4 milyong indibidwal pa lamang ang nakatanggap ng kanilang mga booster shot.

Ang pagpapabakuna, paliwanag ni Go, ay susi sa pagpapanatili ng pagpigil sa pagkalat ng COVID-19. Binigyang-diin niya ang pangangailangang palakasin ang mga pagsusumikap sa pagbabakuna upang mas maraming Pilipino ang ligtas na makabalik sa trabaho at makapag-ambag sa pagbangon ng ekonomiya.

“Hinihimok ko ang lahat na mas pabilisin pa po ang rollout ng ating mga bakuna. Kung maaari, dagdagan pa ang insentibo para mahalin ang iba. Patuloy tayong mag-isip ng mga bagong paraan upang magawa ito para na rin mapabilis ang muling pagbubukas ng ating ekonomiya,” ani Go.

“Matagal na akong umaapela na pabilisin pa lalo na ang pagbabakuna at kung maaari ay dalhin mismo sa bahay ang bakuna ng mga willing maturukan pero hindi kayang pumunta sa vaccination sites. Nagpapasalamat ako sa gobyerno sa pagtugon sa ating apela na padaliin ang proseso ng pagbabakuna,” aniya pa.

Noong Enero 18, nakakuha ang gobyerno ng kabuuang mahigit 213.6 milyong dosis ng mga bakunang COVID-19, higit sa 120.6 milyon nito ang naibigay na.

Mahigit 56 milyong Pilipino ang ganap nang nabakunahan habang nasa 59 milyon ang nakakuha ng kanilang unang dosis.

Bukod sa pagpapabakuna, pinaalalahanan din ng senador ang publiko na palakasin ang kanilang kooperasyon at commitment na sundin ang health at safety protocols.

Nanawagan din siya sa gobyerno na patuloy na pagbutihin ang tugon nito sa pandemya at pangkalahatang sistema ng pangangalaga sa kalusugan.

Sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, ang gobyerno ay naglaan ng P51 bilyon para sa probisyon ng COVID-19 Special Risk Allowance at kompensasyon ng healthcare workers.

Ang break down ng 2022 national budget para sa pandemya ng bansa at pagsisikap sa pagbangon ay ang sumusunod: P17 bilyon para sa Human Resources for Health Deployment Program; P4.3 bilyon para sa COVID-19 Human Resources for Health Emergency Hiring; P873.6 milyon para sa Epidemiology and Surveillance; P313.8 milyon para sa Health Emergency Preparedness and Response sa panahon ng emerhensiya at kalamidad; P329 milyon para sa Health Facility Policy and Plan Development Program, kabilang ang operasyon ng One Hospital Command Center; P23 bilyon para sa Health Facilities Enhancement Program; P7.9 bilyon para sa COVID-19 Laboratory Network Commodities para sa pagsubok; P730 milyon para sa operasyon ng Research Institute of Tropical Medicine, ang nangungunang testing center sa bansa; P14.6 bilyon para sa operasyon ng mga ospital na pinamamahalaan ng Department of Health sa Metro Manila at karagdagang P39 bilyon para sa mga rehiyonal na ospital ng DOH; at panghuli, P48 bilyon para sa pagbili ng COVID-19 booster shots.

Ang karagdagang pondo ay inilaan din para sa mga espesyalidad na ospital, tulad ng Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center, at Philippine Heart Center.