Bong Go, all-out ang suporta sa HNP-HTL slate sa Davao City 

Bong Go, all-out ang suporta sa HNP-HTL slate sa Davao City 

May 8, 2022 @ 12:50 PM 2 months ago


DAVAO CITY – Matapos dumalo sa Hugpong ng Pagbabago-Hugpong sa Tawong Lungsod (HNP-HTL) miting de avance sa Davao City, hinimok ni  Senator Christopher “Bong” Go ang mga kapwa Davaoeño na suportahan ang mga kandidatong magpapatuloy sa laban para sa kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao.

Kabilang sa mga ito si incumbent Davao City Mayor Sara Duterte na tumatakbo sa pagka-bise presidente;  Sebastian Duterte, kandidato sa pagka-mayor ng Davao City  at Paolo Duterte, na naghahangad ng pangalawang termino bilang kinatawan ng unang distrito ng lungsod.

“Tulungan niyo sila.  Mula kay Mayor Inday Sara at hindi lang dito sa Davao ngayon kundi sa buong Pilipinas.  Tulungan nyo si Mayor Inday Sara para maging vice president,” sabi ni Go sa talumpati.

“Tulungan niyo si Sara at si Baste, nakikiusap lang ako sa inyo.  And, of course, ang ating Congressman sa First District si Paolo Duterte, tulungan po natin at palakpakan natin si Paolo Duterte,” dagdag niya.

Sinabi ni Go na hindi siya mahahalal na senador kung wala ang tulong at suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang pamilya, at balak niyang suklian ang kanilang tulong.  Mahigit 20 taon nagsilbing aide ni Duterte ang senador.

“Ako, sa totoo lang, ‘yung utang na loob… hindi ako magiging senador kung hindi dahil kay Presidente Duterte, sa mga Duterte.  So ako, at tayong mga Bisaya, importante sa atin ang utang na loob,” ani Go.

“So, nandito ako ngayon para sumuporta sa mga Duterte, at nandito ako para sumuporta sa buong slate sa Hugpong ng Pagbabago, Hugpong ng Davao,” anang senador.

Nagpahayag si Go ng kanyang pasasalamat sa kanyang mga kapwa Davaoeño sa kanilang patuloy na suporta na, ayon sa kanya, ay naging instrumento sa kanyang pagkakahalal sa Senado.

“Hindi ako pulitiko na mangangako na kaya kong gawin… gagawin ko lang ang lahat para sa mga Davaoeño dahil dito ako nagsimula.  Hindi ako magiging senador kung hindi dahil sa inyo na mga taga-Davao.  Maraming, maraming salamat talaga,” ani Go, na tiniyak sa mga dumalo na maaari silang tumawag sa kanya kung kailangan nila ng tulong.

Pagkatapos ay hiniling ni Go sa kanyang mga kapwa Davaoeño na laging tumulong at magpakita ng kabaitan sa kapwa Pilipino at tiniyak niya sa kanila na siya at si Pangulong Duterte ay laging handang pagsilbihan sila sa anumang kapasidad.

“Kami ni Presidente Duterte ay patuloy na magseserbisyo sa inyo, ma-presidente man siya at maging senador, maging barangay captain na lang ako, o magiging ordinaryong tao na lang kami patuloy kaming magseserbisyo sa inyong mga Pilipino.  Dahil para sa amin ang serbisyo sa tao ay serbisyo ‘yan sa Panginoon,” pahabol ni Go. RNT