Bong Go, ayaw talaga mag-presidente: ‘SUPORTAHAN N’YO NA LANG SI TATAY’

Bong Go, ayaw talaga mag-presidente: ‘SUPORTAHAN N’YO NA LANG SI TATAY’

September 9, 2021 @ 3:32 PM 10 months ago


Manila – Sa isa pang pagkakataon, muling tinanggihan ni Senator Christopher “Bong” Go ang endorso sa kanya ng ruling Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na maging “manok” nito sa pagkapresidente sa 2022 national and local elections pero labis niyang pinasalamatan ang mga kapartido sa kanilang tiwala sa kanya kasabay ng pakiusap na patuloy na suportahan si Pangulong Rodrigo Duterte na sana’y magiging katambal niya bilang bise-presidente.

Ilang oras matapos ang national assembly ng partido sa Pampanga kamakalawa at iendorso siya pati si Pangulong Duterte bilang pambato nito, sinabi ni Go na nananatili siyang hindi interesado sa presidency sa 2022.

“Sa mga kasamahan ko sa PDP-Laban, muli, taus-puso akong nagpapasalamat sa inyo para sa inyong tiwala at suporta sa akin at kay Pangulong Rodrigo Duterte.  Para sa isang probinsyano at simpleng empleyado lamang na ginawa ninyong senador, malaking karangalan na po na kinonsidera ninyo sa pagkapangulo,” sabi ni Go.

“Subalit, inuulit ko, hindi po ako interesadong tumakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan. Nakatutok po ang buong puso at isipan ko sa pagseserbisyo sa aking kapwa at wala po akong hangarin na makipagkumpitensya sa pinakamataas na posisyon sa bansa,” idinagdag niya.

Sa halip, iginiit ni Go sa mga kasama sa partido na suportahan ang taong nais tumakbo pero maihahambing ang political will tulad ni Duterte para ituloy ang pagbabagong nasimulan na sa bansa.

“Unahin niyo na lang po ang may gusto. Ang importante ay hanapan natin ng katimbang si Pangulong Duterte upang maipagpatuloy ang pagbabago. Yun ang continuity na inaasam natin,” sabi ni Go.

Sinabi ng senador na ang patuloy na pandemya ay magiging malaking hamon sa susunod na pangulo kaya ang committment niya ay patuloy na tutulong para lubusang makabangon ang bansa.

“Dahil sa mga pagsubok na hinaharap natin ngayon, sakit sa ulo ang aabutin ng susunod na presidente. Kaya tutulong na lang ako sa kanya,” ani Go.

Ayon kay Go, sana ay irespeto na lamang kanyang desisyon na huwag sumabak sa presidential race.

“Ito rin ang rason kung bakit nagdesisyon akong hindi mag-attend ng ating pagpupulong dahil ayokong magkaroon pa ng maling kahulugan ang pagpunta ko roon,” anang senador.

Ngunit kahit ilang beses na tinanggihan ang endorso sa kanya, sinabi ni Go na hindi siya titigil sa pagsuporta sa PDP-Laban.

“Gayunpaman, asahan ninyo ang aking buong suporta sa ating partido.”

“Kahit hindi ako tumakbong Pangulo, patuloy pa rin naman akong magmamalasakit at magseserbisyo sa sambayanang Pilipino upang malampasan ang krisis na ating hinaharap at maipagpatuloy ang mga magagandang nagawa ni Pangulong Duterte,” ani Go.

Ang pakiusap lamang ni Go ay patuloy ding supportahan sana ng partido at ng Filipino si Pangulong Duterte na nananatiling determinado na malampasan ng bansa ang krisis.

“Nakikiusap po ako, patuloy nating suportahan at mahalin si Pangulong Duterte na totoong nagmamahal sa ating kapwa Pilipino,” sabi ng mambabatas. ###