Bong Go: Bumoto ayon sa budhi, ‘wag magpasuhol

Bong Go: Bumoto ayon sa budhi, ‘wag magpasuhol

April 28, 2022 @ 2:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umapela si Senator Christopher “Bong” Go sa milyun-milyong Pilipinong lalahok sa darating na pambansa at lokal na halalan na protektahan ang kasagraduhan ng balota sa pamamagitan ng pagboto ayon sa budhi at ibasura ang mga walang prinsipyong kandidato na bumibili ng mga boto.

“Huwag kayong magpapasindak!  Huwag kayong magpapadala sa mga pananakot at panunuhol para lang iboto ang mga lider na hindi ninyo gusto at hindi sa interes ng higit na nakararami.  Patuloy tayong maging mapagmatyag sa mga susunod na linggo at hanggang sa mismong araw ng halalan,” ipinayo ni Go.

“Tandaan po natin na ang ating boto ay sagrado, at sariling desisyon natin kung sino ang gusto nating iboto na sa palagay natin ay karapat-dapat sa posisyong kanilang tinatakbuhan,” iginiit ng senador.

_

Inulit ng senador ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa maayos, patas at kapani-paniwalang halalan upang matiyak na ang resulta ng botohan ay tunay na sumasalamin sa kagustuhan ng mamamayang Pilipino.

Nauna nang nangako ang Pangulo na hindi hahayaan ang terorismo at iba pang iligal na aktibidad na makagagambala sa halalan sa Mayo 9.

“Katulad ni Pangulong Duterte, ito rin po ang aking pananaw at panawagan sa lahat.  Dapat maging patas at tahimik ang halalan upang matiyak na ang magiging resulta ng eleksyon ay tunay na kagustuhan ng sambayanang Pilipino,” ani Go.

Sinabi ni Go na dapat laging manaig ang layunin ng ating mga batas kaya kaisa siya ng Pangulo sa pagtiyak na maayos ang pagdaraos ng halalan.

“Hindi dapat magkaroon ng mga pananakot at karahasan.  Ang isang tapat at malinis na halalan na ginanap nang ligtas at may kalayaan ay resulta ng tunay na demokrasya na sumasalamin sa damdamin ng sambayanan,” ayon kay Go.

Samantala, tiniyak ng senadora na kahit nalalapit na ang eleksyon, nananatiling prayoridad niya bilang public servant ang pagtulong sa mga nahihirapang Pilipino sa buong bansa.

“Habang nakasubaybay tayo sa mga kaganapan sa darating na eleksyon, hindi natin pinababayaan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong.  Hanggang ngayon ay ramdam pa nila ang epekto ng pandemya at iba pang krisis, kaya kahit anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika, magpapatuloy pa rin ako sa serbisyo sa kapwa ko Pilipino,” anang mambabatas. RNT