Bong Go: Chacha dapat pabor sa Pilipino

Bong Go: Chacha dapat pabor sa Pilipino

March 16, 2023 @ 1:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kasunod ng pag-apruba sa isang panukalang batas sa Kapulungan ng mga Kinatawan na nagpapatakbo sa constitutional convention na magpapasimula ng mga pag-amyenda sa 1987 Constitution, binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagtiyak na ang anumang pagbabagong gagawin ay dapat makinabang ang mamamayang Pilipino, partikular ang mahihirap, at hindi ang mga pulitiko.

Sa isang panayam matapos tulungan ang mga biktima ng sunog sa Taytay, Rizal, muling iginiit ni Go na kung sakaling magbotohan sa panukalang amyendahan ang Konstitusyon, sisiguraduhin niyang maisasaalang-alang ang interes ng mamamayang Pilipino at mahihirap at hindi ang interes ng mga politiko.

“Iisa lang po ang aking boto. Ngunit kung saka-sakali mang umabot sa botohan po ito, sisiguraduhin ko pong interes ng Pilipino, interes ng mahihirap ang makikinabang po,” paniniyak ni Go.

“Hindi po dapat ang pulitiko ang makikinabang kung saka-sakali mang gagalawin ang Konstitusyon,” dagdag niya.

Inamin ni Go na ang 1987 Constitution ay maaaring kailangang muling bisitahin upang maging angkop sa kasalukuyang panahon. Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang anumang pagbabagong gagawin ay dapat unahin ang kapakanan ng mga mahihirap.

“Marahil po ay matagal na ang ating Konstitusyon, since 1987, marahil po ay marami nang probisyon dito ang hindi na akma sa panahon ngayon,” ani Go.

“Ngunit siguraduhin lang natin na makatutulong sa mahihirap. Kung sakali mang economic provision, ‘yung talagang makakatulong po sa mahihirap,” diin niya.

Bagama’t kailangang masusing pag-aralan at pag-usapan muna ang anumang pagbabago sa Konstitusyon, sinabi ni Go na may iba pang paraan upang mapabuti ang ekonomiya na hindi nangangailangan ng pag-amyenda sa Konstitusyon, tulad ng pagpapasa ng mga bagong batas na nagtataguyod ng kaunlaran at pagsuporta sa pagbangon ng bansa.

“Sa ngayon naman po, pwede naman tayong magpasa ng mga batas, mga bills na makatutulong sa ating ekonomiya na hindi kailangang buksan, buklatin ang Konstitusyon,” aniya.

“Dahil kapag nabuksan na ‘yan, hindi na natin mapipigilan kung ano ang maaaring baguhin d’yan, kaninong interes ba ang uunahin. Ayaw na ayaw ng taumbayan na uunahin po ang interes ng pulitiko,” dagdag pa ng senador.

Nang tanungin kung pabor ba siya sa isang constitutional convention o constituent assembly para amyendahan ang Konstitusyon, ipinaliwanag ni Go, “If ever ConAss (ang gusto ko). And voting separately (ang two houses of Congress) para naman po ma-exercise din namin bilang mga senador ang aming karapatan, mailabas ko kung ano ang nasa dibdib ko, dahil ang nasa dibdib ko ay para sa mahihirap, kapakanan at interes ng mahihirap nating kababayan.”

Ang House Bill No. 7352 ay naipasa na sa ikatlo at huling pagbasa nitong Martes na may kabuuang 301 boto pabor, 7 laban, at walang nag-abstain.

Nagbibigay ito ng komprehensibong balangkas ng mga hakbang na kinakailangan upang ireporma ang Konstitusyon sa pamamagitan ng hybrid constitutional convention. RNT