Bong Go: Charter change dapat magbenepisyo sa Filipino

Bong Go: Charter change dapat magbenepisyo sa Filipino

June 13, 2022 @ 1:00 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagiging bukas na amyendahan ang 1987 Constitution ngunit idiniin na ang mga pagbabago ay dapat gawin para sa ikabubuti ng mamamayang Filipino.

 “Alam n’yo, 35 years na po na hindi nagagalaw ang Constitution natin.  Marahil po, alam n’yo mayroong mga nasa loob po ng Constitution na dapat pong pag-aralan po muli… halos iba diyan kailangan na talagang baguhin,” ani Go matapos siyang dumalo sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

 Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, si Go ang nagmungkahi ng pagtatayo ng mga super health center sa buong bansa upang mapabuti ang access sa mga pampublikong serbisyong pangkalusugan ng mga katutubo, lalo na sa panahon ng pandemya at iba pang katulad na krisis sa kalusugan.

 Para sa mga nagsusulong ng Charter change, sinabi ni Go na naniniwala siya na ngayon na ang tamang oras para gawin ito habang ang gobyerno ay patungo na sa bagong termino.

 “Kung kailangan nating galawin at magkakaroon tayo ng charter change, (maganda kung) ngayon po.  Huwag ‘yung patapos na ‘yung termino,” ani Go.

 “Ngayon na, para at least presko pa ‘yung termino ng mga elected officials.  (Simulan) na po na tingnan nang mabuti,” dagdag niya.

 Nauna rito, hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang susunod na administrasyon na simulan ang proseso ng posibleng pag-amyenda sa Konstitusyon.

 Kabilang dito ang partikular na panukala ni Pangulong Duterte na ayusin ang party-list system na sinasabing inaabuso ng mga makakaliwang organisasyon.

 Sa kabilang banda, muling iginiit ni Go na anumang iminumungkahing pag-amyenda ay dapat na ang makikinabang ay mamamayang Pilipino at hindi mga pulitiko.

 Aniya, tututulan niya ang mga reporma na naglalayon lamang na makinabang ang piling iilan.

 “Hindi po ako papayag na ang makikinabang lang po ang pulitiko.  Ang makikinabang po dapat yung Pilipino at interes po ng Pilipino ang dapat unahin natin parati,” anang senador.

 Sinabi rin ni Go na si Duterte mismo ay nagsusulong na ilipat ang gobyerno sa isang federal-parliamentary system upang bigyan ang mga rehiyon ng higit na awtonomiya at makamit ang pantay na pag-unlad ng ekonomiya sa buong bansa.

 Sa huli, hinimok ng senador ang papasok na administrasyon na masusing pag-aralan at suriin ang mga panukala para amyendahan ang Konstitusyon habang isinasaalang-alang ang mga pagsisikap na sinimulan ng administrasyong Duterte.

 Noong 2016, ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagbuo ng isang consultative committee para suriin ang 1987 Constitution.

 “Pag-aralan po natin nang mabuti.  Kaya sabi ko nga, in fact noong kakaupo ni Pangulong Duterte, nagtawag kaagad siya ng pagpupulong ng (consultative) committee headed by Chief Justice Puno na pag-aralan po ang ating Konstitusyon,” ani Go. RNT