Bong Go: ‘Di ako titigil sa pagseserbisyo

Bong Go: ‘Di ako titigil sa pagseserbisyo

June 6, 2022 @ 3:39 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go sa sambayanang Pilipino na hindi siya magsasawa sa paglilingkod sa pagsasabing patuloy siyang magtatrabaho para sa mga walang pag-asa at mahihina.

 Sa isang ambush interview matapos ang kanyang monitoring visit sa Malasakit Center sa Davao Oriental Provincial Medical Center sa Mati City, pinasalamatan ni Go si Senate President Pro Tempore Juan Miguel Zubiri na nagkumpirmang patuloy niyang pamumunuan ang Senate committees on health, gayundin ang sports.

“Salamat.  Salamat sa tiwala dahil ipagpapatuloy ko ‘yung pagtitiwala sa akin ng dalawang komite na ‘to.  Sabi ko, hindi naman po ako namimili,” ani Go.

 Dagdag pa ng senador, pagsisilbihan niya ang taumbayan sa anumang kapasidad na ibigay sa kanya, pero mas gusto pa rin niyang pamunuan ang Health and Sports committees dahil naniniwala siyang dito siya makapaglilingkod sa publiko nang maayos.

 “Ako naman, wala po akong pinipili.  Kung saan po ako makakaserbisyo, kung sa tingin nilang makakatulong ako rito, tatanggapin ko po… Kung ibibigay po nila ay iyon naman po ang aking ipinaglalaban – yung ating kalusugan.  Sa larangan ng kalusugan ay doon po ako mas makakatulong, doon po ako tutulong,” ani Go.

 “And of course, dito sa sports.  Sa sports naman po, hindi naman po sa pagmamayabang, isa po tayo sa author ng National Academy for Sports (NAS) – may building, nandiyan na po ‘yung venue, nandiyan na po ‘yung eskwelahan, nandiyan na po ‘yung training facilities,” aniya pa.

 Isang masugid na tagapagtaguyod ng pagpapaunlad ng palakasan, si Go ang nag-akda at nag-co-sponsor ng Republic Act No. 11470, na nagtatag ng NAS noong 2020.

 Ang nasabing batas ay naaayon sa kanyang bisyon na magbigay ng dedikadong learning facility kung saan ang mga promising young athletes ay mas mahahasa pa ang mga talento habang nakakukuha ng de-kalidad na edukasyon.  Ang NAS main campus ay matatagpuan sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.

 “So, ibig sabihin at the same time makapag-aral ka habang nagte-training ka.  Nagte-training ka habang nag-aaral ka.  Kasi noon po, nag-aaral ka, nasasakripisyo ‘yung pagte-training.  ‘Pag nag-training ka naman, nasasakripisyo naman po ‘yung pag-aaral,” paliwanag ni Go.

 Sinabi ni Go na habang patapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi siya magsasawa sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino.

 Tiniyak din niya sa mga Pilipino na mananatili siyang “quietly working senator”.