Bong Go: Digitalization mahalaga sa negosyo, paglikha ng trabaho

Bong Go: Digitalization mahalaga sa negosyo, paglikha ng trabaho

December 8, 2021 @ 12:35 PM 10 months ago


MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go ang pangangailangang i-digitalize ang mga proseso at transaksyon ng gobyerno habang ang bansa ay umaayon sa bagong normal tungo sa pagbangon ng pandemya.

Binanggit niya ang isang survey na nagsiwalat na ang karamihan sa mga Pilipino ay naniniwala na ang digital technology ay maaaring mapabuti ang negosyo at paglikha ng trabaho.

“Kailangan natin ng e-governance para maibigay sa ating mga tao ang mga serbisyong kailangan nila mula sa ginhawa ng kanilang mga tahanan o lugar ng trabaho. Hindi lamang ito magbibigay-daan sa ating burukrasya upang mas mahusay na lumipat sa ‘new normal’ bagkus ay puputulin o mababawasan ang red tape at katiwalian,” paliwanag ni Go.

Ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations para sa Stratbase ADR Institute for Strategic and International Studies noong Oktubre ng taong ito, humigit-kumulang 89% ng mga Pilipino ang nakilala ang bentahe ng digital technology sa paglikha ng mga trabaho at negosyo.

May 94% na sumasang-ayon na ang digitalization ay maraming pakinabang.

Samantala, 92% ng respondents ang nagsabi na ang pamahalaan ay dapat lumikha, mag-upgrade at palawakin ang digital na imprastraktura ng bansa upang mapataas ang bilis, pagiging maaasahan at pag-access sa buong bansa.

May 82%, sa kabilang banda, ang nagsabi na ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor ay maaaring mapalakas ang paglago ng ekonomiya.

Noong Hulyo 2020, inihain ni Go ang Senate Bill No. 1738 o ang E-Governance Act of 2020, na humihiling sa gobyerno na magtatag ng pinagsama-sama at magkakaugnay na impormasyon at pagbabahagi ng resources at network ng komunikasyon na sumasaklaw sa kabuuan ng pambansa at lokal pamahalaan, isang panloob na sistema ng pamamahala ng mga talaan ng impormasyon, isang database ng impormasyon, at mga digital na portal para sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.

Sa ilalim ng panukala, ang pamahalaan, kapwa pambansa at lokal, ay maaaring pumasok sa mga kontrata, kasunduan, o pakikipagtulungan sa pribadong sektor upang magbigay ng iba’t ibang resources, ari-arian, at serbisyo upang makasunod o mapahusay ang mga probisyon ng iminungkahing batas.

Itinutulak din ng panukala ang digitalization ng paper-based at iba pang tradisyunal na mga mode ng workflows para sa isang mas mahusay at transparent na pampublikong serbisyo.

“Nag-aadjust na ang buong mundo. Nag-evolve na rin ang operasyon ng pribadong sektor. Hindi dapat mapag-iwanan ang serbisyo mula sa gobyerno. Gamitin natin ang teknolohiya upang mabigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino,” ayon sa senador.

Bilang suporta sa pagpupunyagi na ito, sinabi ni Go na ang kanyang panukala ay magsusulong ng naturang paglipat sa digitalization, pag-aalis ng mga pagkaantala at iba pang problema na nauugnay sa tradisyonal na paraan ng pamamahala sa mga komunikasyon at pagbabahagi ng impormasyon. Kris Jose