Bong Go: E-Governance bill vs agri smuggling

Bong Go: E-Governance bill vs agri smuggling

January 17, 2023 @ 1:00 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na ang pagpapalakas sa pagbabahagi ng data sa mga ahensya ng gobyerno ay malaking tugon upang malabanan ang agricultural smuggling, partikular ng sibuyas, sa Pilipinas.

Tagapagtaguyod ng kapakanan ng mga Pilipinong magsasaka at manggagawang pang-agrikultura, sinabi ni Go na ang kanyang isinusulong na Senate Bill No. 194 o E-Governance Act of 2022 ay magbibigay mandato sa pamahalaan na magtatag ng integrated, interconnected, at interoperable information and resource-sharing and communications network na sumasaklaw sa kabuuan ng national at local government.

Isa itong panloob na sistema ng pamamahala ng mga talaan ng impormasyon, database ng impormasyon, at digital portal para sa paghahatid ng mga pampublikong serbisyo.

Ayon kay Go, suportado niya ang inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palakasin ang pagbabahagi ng data sa mga ahensya ng gobyerno sa hangaring matugunan ang talamak na agri smuggling sa bansa.

“Government should be more responsive to the demands of changing times. There’s no better time than now to prioritize the government’s digital transformation. The government must use information and communications technology to better serve its purpose and get closer to the people in an era where practically everything can be done online and through other digital channels,” ani Go.

Dahil dito, sinabi ni Go na nagagalak siya na palaging inuuna ni Pangulong Marcos ang kapakanan ng ating magsasaka at nauunawaan na talagang kailangang tutukan ang agricultural sector dahil isa ito sa nagpapaunlad ng ating ekonomiya.

Noong Sabado, hinikayat ni Pangulong Marcos sa isang pulong kamakailan kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC), ang lahat ng kinauukulang ahensya na makipag-ugnayan sa isa’t isa at bumuo ng whole-of-nation approach sa paglaban sa smuggling. Idiniin ni Marcos na hindi na gumagana ang kasalukuyang sistema.

Binanggit ng Pangulo na nakatanggap siya ng mga reklamo mula sa sektor ng negosyo sa pagsasabing inutil ang airport at seaport system ng bansa.

Hinimok ng Pangulo ang lahat ng ahensya na maging mas makabago at kung kinakailangan, magtakda ng mga tungkulin o magtatag ng mga bagong ahensya.

Isa sa mga rekomendasyon ay ang pagbubukas ng database sa Bureau of Customs (BOC) at sa Department of Agriculture (DA) para matiyak ang maayoss na pagbabahagi ng impormasyon.

“To be brutally frank about it, we have a system but they are not working. The smuggling here in this country is absolutely rampant. So it does not matter to me how many systems we have in place, they do not work,” idiniin ni Marcos.

Kaya naman akma rito ang E-Governance Bill ni Sen. Go na nagsusulong sa digitalization ng paper-based at iba pang traditional modes of workflows para sa mas epektibo at transparent na public service.

Layon din ng panukalang batas na magtatag ng Integrated Government Network (IGN) na magsisilbing pangunahing paraan sa pagbabahagi ng communication of resources, information at data sa pamamagitan ng digital at electronic platforms sa buong gobyerno.

Magsisilbi rin ang IGN bilang primary at focal information management tool at communications network ng gobyerno.

Umapela si Go sa kanyang mga kapwa lingkod-bayan na magtulungan para malansag ang agricultural smuggling.

“Ang apela ko sa (Bureau of) Customs, Department of Agriculture, executive department, unahin n’yo po ang kapakanan ng local farmers. Hulihin ang mga smuggler, panagutin, kasuhan. Hindi lang kasuhan, ikulong po kung dapat ikulong,” sabi ni Go.

Binanggit ni Go ang Republic Act No. 10845, kilala rin bilang Anti-Agricultural Smuggling Law, na nagsasaad na maaaring parusahan ang sinumang mapatunayang nagkasala ng economic sabotage. RNT