Bong Go: E-sabong itigil muna

Bong Go: E-sabong itigil muna

March 1, 2022 @ 3:37 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go sa mga panawagan ng kanyang mga kasama sa Senado na pansamantalang itigil ang operasyon ng e-sabong sa bansa habang patuloy ang imbestigasyon sa pagkawala ng “31 sabungeros”.

“Sang-ayon ako sa panawagan ng aking kapwa mambabatas para sa pansamantalang suspensyon ng operasyon ng e-sabong habang patuloy ang malawakang imbestigasyon sa mga nawawalang tao,” sabi ni Go kahapon.

Naghain ng resolusyon ang mga senador na humihiling sa Philippine Amusement and Gaming Corporation na i-freeze ang mga lisensya ng “e-sabong” na iginawad nito hanggang hindi nareresolba ang mga kaso.

Ang Senate Committee on Public Order ay nagsagawa ng pagtatanong sa walong insidente ng pagdukot na kinasasangkutan ng 31 katao na naganap sa pagitan ng Abril 2021 at Enero ng taong ito.

Ang mga pagdukot sa mga biktima ay iniugnay umano sa pagkakasangkot ng mga ito sa e-sabong at mga operasyon ng sabong.

Samantala, inulit ni Go ang kanyang kahilingan sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon sa pagsasabing buhay ang nakataya sa kaso ng mga nawawalang tao.

“Bilang Senador, umaapela ako sa lahat na makiisa sa imbestigasyon. Maraming buhay ang apektado. Dapat lumabas ang mga nawawalang tao at lumabas ang katotohanan,” aniya.

Idiniin din ni Go ang kanyang apela sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, at iba pang kinauukulang ahensya na aksyunan ang usaping ito upang agad na maresolba ang mga kaso.

Hinimok din ng senadora ang PAGCOR at iba pang regulatory bodies ng gobyerno na suriin ang kanilang mga polisiya at tiyaking ganap ang pagsunod sa mga kinakailangan sa seguridad, surveillance at records para maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente.

“Panagutin ang dapat managot at alamin kung sino ang nagpabaya. Hindi dapat hayaang umabot pa sa ganitong sitwasyon na may mga taong nawawala at buhay na ang nakataya!”  diin niya. RNT