Bong Go: F2F classes dapat maayos, protektado ang estudyante

Bong Go: F2F classes dapat maayos, protektado ang estudyante

October 28, 2022 @ 2:23 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go na dapat maayos na maipatutupad ang mga kinakailangang health guidelines at tiyaking ligtas ang mga estudyante sa pagbabalik ng face-to-face classes sa buong bansa sa Nobyembre.

Ayon sa Department of Education Order No. 44 na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte noong Oktubre 17, lahat ng pampublikong paaralan ay magpapatupad ng limang araw na physical classes simula Nobyembre 2.

Sa kabilang banda, ang mga pribadong paaralan ay maaari ring magpatupad ng harapang classes o magpatuloy sa blended learning.

“Suportado ko ang desisyon ng ehekutibo at tiwala ako sa kakayahan nilang ipatupad ito nang maayos.

Gayunpaman, muli akong nananawagan sa pamahalaan at sa mga awtoridad ng paaralan na tiyakin ang kalusugan at kapakanan ng ating mga estudyante sa kanilang pagbabalik sa mga silid-aralan,” apela ni Go.

“Bilang Chair ng Senate Committee on Health at miyembro ng Senate Committee on Basic Education, bagaman po at nararanasan na natin ngayon ang bahagyang pagbaba ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 at marami na sa sektor ng ekonomiya ang nagbabalik sa kanilang normal na operasyon, napakahalaga na mapangalagaan ang buhay ng lahat ng Pilipino, at makontina ang panganib na dala ng pandemya lalo na sa ating mga kabataan,” paalala niya.

Pabor na mas magiging produktibo ang mga mag-aaral sa pisikal na klase at magsusulong ng collaborative na pag-aaral, binigyang-diin ni Go na ang mga estudyante, tagapagturo, at opisyal ng paaralan ay dapat manatiling mapagbantay at sumusunod sa health protocols, lalo’t may umuusbong na mga bagong variant ng COVID-19.

“Dapat maimplementa ito nang maayos para hindi malagay sa alanganin ang kaligtasan at kalusugan ng mga kabataan. Kahit ayaw nating maantala ang klase nila, importanteng ligtas ang mga estudyante. Health and safety pa rin ang importante. Sa kagustuhan nating makapag-aral ang mga bata, huwag nating kalimutan na unahin palagi ang interes, kapakanan at buhay nila at ng bawat Pilipino,” idiniin ni Go.

“Bilang isang magulang din, muli ko ang proteksyunan ang mga bata. Unang-una, hindi maikakaila na mayroon pa ring mga hindi pa bakunado. Pangalawa, hindi natin kontrolado ‘yung galaw nila, at pangatlo, baka mag-back to zero na naman tayo kung sakaling magkahawaan na naman,” anang senador.

Kumpiyansa ang mambabatas na sa tamang gabay ng DepEd at Department of Health, magiging matagumpay ang pagpapatupad ng mga in-person classes at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa bansa.

“Proteksyunan natin ang kabataang Pilipino. Sila ang pag-asa ng ating bayan at ng mga susunod pa nating henerasyon. Bukod sa tamang edukasyon na magiging puhunan nila sa buhay, magtulungan din tayo para mabigyan sila ng mas ligtas at komportableng buhay sa hinaharap,” ani Go.

Bukod sa mga kumakalat na sakit, ilayo din natin ang mga kabataan sa masasamang bisyo tulad ng iligal na droga at engganyuhin silang pumasok sa mga mas produktibong gawain tulad ng sports. RNT