Bong Go: Fake news, tuldukan na

Bong Go: Fake news, tuldukan na

August 17, 2022 @ 2:38 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Maaaring magdulot ng malubhang banta sa demokrasya ang maling impormasyon at disimpormasyon, umapela si Senator Bong Go kay Senate committee on public information and mass media chair, Sen. Robinhood “Robin” Padilla at sa kanyang mga kapwa mambabatas na magtulungan para mapahusay at mapalakas pa angbaccess sa tumpak at may katuturang impormasyon.

Sa isinagawang pampublikong pagdinig ng nasabing komite, binigyang-diin ni Go ang mahalagang papel ng mass media sa pagbuo ng bansa at paglalapit sa mga tao sa pamahalaan.

“Ang pampublikong impormasyon ay isa sa pinakamahalagang susi tungo sa isang epektibong participatory na pamamahala, at isang maayos na gumaganang demokrasya,” idiniin niya.

“Nakakatulong ito upang ang publiko ay mabigyan ng mga kinakailangang impormasyon na magpapataas ng kanilang antas ng kamalayan at pag-unawa sa iba’t ibang programa at patakaran ng pamahalaan. Mahalaga rin dito ang pag-pursue ng isang accountable at transparent na gobyerno,” patuloy ni Go.

Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas noong Pebrero, 69% ng mga Pilipino ang naniniwala na ang sirkulasyon ng fake news ay maaaring magresulta sa malalaking komplikasyon.

Nagsimula ang pagkakaroon ng fake news kahit noong unang panahon pa ngunit dahil sa kung paano pinadali ng teknolohiya ang mabilis na pagkalat nito, ang mga epekto ng fake news ay itinuturing na problema ng karamihan ng mga Pilipino.

Kaugnay nito, binanggit ni Go na ang paglaganap ng kahit isang maliit na maling impormasyon ay maaaring lumikha ngbpagbabago sa lipunan.

Kaya binibigyang-diin niya kung gaano kahalaga para sa bawat Pilipino na tukuyin ang maling impormasyon sa iba’t ibang midyum ng media, kabilang ang telebisyon, radyo, print, at iba pa.

“Ang impormasyon, sa kabilang banda, ay isang napakalakas na tool. Ito ay maaaring gamitin para sa marangal na layunin, ngunit sa ilang mga pagkakataon, ito ay ginagamit para sa isang walang katiyakang adyenda upang siraan at sadyang linlangin ang iba. Nakita natin ang mga buhay na nawala, naganap na mga digmaan, at maging ang mga bansa ay nagkawatak-watak dahil sa maling paghawak ng impormasyon,” diin ni Go.

“Sa katunayan pa nga po ay mas mabilis pang kumalat ang mga maling balita kaysa sa mga makabuluhang impormasyon na talagang makatutulong sa ating bansa,” patuloy ng senador.

Kamakailan lamang, nagpahayag si Go ng kanyang suporta sa panukalang magpapataw ng mabigat na parusa laban sa mga nagkakalat ng “fake news”.

“Agree po ako dito, panahon na po na tuldukan ‘yung fake news. Panahon na po na bigyan natin ng ngipin na maparusahan po ’yung nagpapakalat ng fake news. To unmask all people na nagpapakalat ng fake news, na nagtatago sa fake news. Kawawa naman po ‘yung mga kababayan natin na gusto lang pong mamuhay nang tahimik, gustong mabuhay na may peace of mind na hindi nababastos, hindi nasasaktan.”

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nanawagan si Go sa kanyang mga kapwa senador na magkapit-kamay upang labanan ang fake news at matiyak na ang sambayanang Pilipino ay nabibigyan ng makatotohanan at makabuluhang impormasyon. RNT