Bong Go: Gawin lahat para sa seguridad ng journalists

Bong Go: Gawin lahat para sa seguridad ng journalists

October 23, 2022 @ 2:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Batid ang mga panganib na kinakaharap ng mga mamamahayag sa kanilang trabaho, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go ng dagdag na proteksyon at seguridad para sa mga manggagawa sa media.

“Sa ating awtoridad, do all possible to protect our media people. Alam n’yo, ginagawa ninyo (journalists) ang inyong trabaho. Pandemic nandiyan kayo, isinusugal ninyo ang buhay ninyo, harap-harap (sa tao), (inilalapit) ninyo ang inyong mga mic, at risk po kayo (lalo na sa panahon ng pandemya),” sabi ni Go matapos niyang personal na pangunahan ang pamimigay ng ayuda sa mga residente ng Mandaue City, Cebu.

Sinabi ni Go na ang isa sa mga aspeto ng trabaho ng mga mamamahayag ay maaaring may kasamang sensitibong impormasyon na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang buhay.

“Ngayon, ‘yung mga media naman po habang mayroon silang (binabalita), at risk rin po ang kanilang buhay. Dapat po proteksyunan ang buhay ng bawat mamamahayag,” iginiit ni Go.

Si dating Pangulong Rodrigo Duterte mismo aniya ay nagtatag ng presidential task force sa panahon ng kanyang administrasyon para imbestigahan ang media killings.

Binanggit ni Go na dapat palakasin ang pangangailangang protektahan ang mga tauhan ng media.

“So lahat — manunulat, media people sa radyo, telebisyon, o pagsulat — proteksyunan dapat ang ating mga kapatid sa media,” anang senador.

Nauna nang inihain ni Go ang Senate Bill No. 1183 o ang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act” na nagbibigay ng pinahusay na proteksyon, seguridad, at mga benepisyo para sa mga manggagawa sa media at entertainment.

Binanggit ng senador na ang mga manggagawa sa media at entertainment ay “nagpapalakad-lakad sa araw at gabi, sa gitna ng banta ng COVID-19, para lamang mabigyan ang mga tao ng maiinit na impormasyon at coverage.”

Sa ilalim ng panukalang batas, dapat ay mayroong kontrata na pinirmahan ng media entity at ng empleyado upang magarantiyahan ang sukdulang proteksyon mula sa hindi makatarungang kabayaran at upang matiyak na ang kanilang mga karapatan at kapakanan ay maproteksyonan at hindi napababayaan.

Sa kasagsagan ng pandemya, matagumpay ding umapela si Go sa gobyerno na unahin ang mga miyembro ng media para sa pambansang programa ng pagbabakuna sa COVID-19 nang walang pagkiling sa iba pang sektor na natukoy na bilang mga prayoridad, tulad ng frontliners gayundin ang mga mahihirap at mahinang sektor. RNT