Bong Go: Grassroots sports palakasin

Bong Go: Grassroots sports palakasin

November 29, 2022 @ 2:24 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Binigyang-diin ni Senate committee on sports chair, Senator Christopher “Bong” Go na dapat palawakin ang palakasin ang pagsasanay sa mga atletang Pilipino at isulong ang grassroots sports development sa bansa.

Sa pananaw na ito, iinihain ni Go ang Senate Bill No. 423 o ang panukalang Philippine National Games (PNG) Act of 2022 na titiyak sa mas inklusibong sistema ng pagtataguyod ng mga talentadong Filipino athletes na nagtataglay ng potensyal sa iba’t ibang larangan ng sports.

Bibigyan sila ng pantay na pagkakataon sa hinaharap na mga internasyonal na kumpetisyon sa palakasan tungo sa pagpapatibay sa bansa bilang “Sports Powerhouse sa Asia”.

“Ngayong 19th Congress, nag-file po ako ng Philippine National Games Bill. Ito pong SBN 423, iniengganyo ko po ang mga kabataan natin to get into sports, stay away from drugs. A mini-Olympics po itong Philippine National Games, i-institutionalize po siya,” paliwanag ni Go.

Kung maipapasa, ang panukala ay tutugon sa iba pang Olympic at Asian Games sports na nagbigay sa bansa ng mas maraming medalya sa mga internasyonal na kompetisyon, ngunit hindi regular na kasama sa Palarong Pambansa o anumang iba pang sports program sa bansa.

Ang PNG ay magsisilbing pangunahing pambansang kompetisyon sa palakasan ng pamahalaan na gaganapin isang beses kada dalawang taon; hikayatin ang lahat ng opisyal ng lokal na pamahalaan na isulong ang pagpapaunlad ng palakasan sa kanayunan; nagsisilbing venue para sa National Sports Associations sa pagtataguyod ng kani-kanilang sports sa grassroots level; at palawakin ang batayan para sa pagkilala sa talento, pagpili, at pangangalap ng mga atleta na bubuo ng national pool na sasanayin para sa mga internasyonal na kompetisyon.

Kasunod ng tagumpay kamakailan ng chess prodigy na si Bince Rafael Operiano, isang Grade 3 student mula sa Oas, Albay, sa 2022 Eastern Asia Youth Chess Championship sa Bangkok, Thailand, muling idiniin ni Go ang pangangailangan ng gobyerno na suportahan ang lahat ng atletang Pilipino, lalo na ang mga may potensyal.

“Bilang Committee Chair on Sports, suportahan po dapat ng ating Philippine Sports Commission ‘yung mga atleta natin. Kahit anong larangan ng palakasan, dapat po suportahan natin sila,” ani Go.

Nauna nang nilikha at inisponsoran ni Go ang Republic Act No. 11470, na nagtatag sa National Academy of Sports System at Main Campus sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac.

“Ang dami pong potential athletes natin kaya nga po isa sa pinangarap ko noon na magkaroon ng National Academy of Sports. Natupad na po itong pangarap ko,” ayon sa senador. RNT