BONG GO: HEALTH GUIDELINES MAAYOS NA ILATAG SA NOV. 2 FULL F2F CLASSES

BONG GO: HEALTH GUIDELINES MAAYOS NA ILATAG SA NOV. 2 FULL F2F CLASSES

October 24, 2022 @ 4:41 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Habang naghahanda ang bansa sa ganap na pagpapatupad ng pisikal na klase sa mga paaralan, hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga awtoridad at mga opisyal ng mga institusyong pang-edukasyon na ilatag nang maayos ang mga alituntunin sa kalusugan upang maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa banta sa kalusugan sa gitna ng patuloy na pandemya.

“Dagdagan natin ang ating mga safety measures,” mungkahi ni Go sa isang ambush interview matapos personal na tulungan ang mga biktima ng sunog sa Malabon City.

“Maglagay tayo ng mga staff o mga safety personnel diyan na talagang tutugon kaagad ‘pag mayroong nagiging positibo, lalo na sa mga estudyante o mga guro para maiwasan at maagapan kaagad ‘yung pagkalat,” idinagdag niya.

Kumpiyansa si Go na pinag-isipang mabuti ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang desisyon na ganap na ipatupad ang mga in-person classes simula Nobyembre.

“Ako naman po ay may tiwala sa ating mga education officials headed by our Vice President and Education Secretary Sara Duterte na pinag-aaralan nila ang lahat pagdating sa pagbubukas ng ating face-to-face classes ngayong Nobyembre,” ani Go.

Ang Kagawaran ng Edukasyon ay nagpasya na ang lahat ng pampublikong paaralan ay magpapatupad ng limang araw na in-person na klase sa Nobyembre 2.

Samantala, ang mga pribadong paaralan ay papahintulutan namang ipagpatuloy ang paggamit ng blended o total distance learning.

Ipinahayag ng DepEd ang mga benepisyo ng tradisyonal na pagtuturo sa silid-aralan para sa pag-unlad at kagalingan ng mga mag-aaral. Ngunit nirerespeto niya ang kasalukuyang kalagayan ng mga pribadong paaralan bilang resulta ng COVID-19.

Habang naghihintay ang Department of Health ng bagong kalihim, patuloy na nagtitiwala si Go sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya at sinabing walang patid ang kanyang pagsuporta sa ahensya.

“Bigyan natin ng sapat na panahon ang ating Pangulo as the Chief Executive (na pumili ng health secretary). I’m sure naman, kung sinuman ‘yung nakaupo ngayon diyan, OIC (Rosario) Vergeire, napakagaling naman nito dahil kabisado na po niya,” ani Go.

“Walang kaduda-duda ‘yung tiwala ko kay Usec. Vergeire dahil umpisa pa lang po ng pandemic nandidiyan na siya. So, kabisado na niya kung ano ‘yung nangyari nu’ng pagpasok ng COVID-19 sa ating bansa,” idinagdag ng senador.

Batid ang naging mahirap na aral mula sa pandemya, kinilala ni Go na ang COVID-19 ay nagkaroon ng malalim na epekto sa buhay ng mga Pilipino at nagturo sa halaga ng pagiging maagap sa harap ng mga krisis.

“Importante po maging proactive tayo, handa tayo… Hindi katulad dati na nabigla tayo na wala tayong bakuna. Mas mabuti na ‘yong proactive tayo, mas magiging handa para hindi tayo magulat at mabigla,” sabi ni Go.

Noong nakaraan, sinabi niya na ang mga aral na ito ang nag-udyok sa kanya na muling isampa ang Senate Bill No. 195 na lilikha ng Center for Disease Control and Prevention, at SBN 196 na lilikha sa Virology Science and Technology Institute of the Philippines.

Muli niyang hinikayat ang gobyerno na ipagpatuloy ang pamumuhunan sa sistema ng pangangalagang pangkalusugan ng bansa upang palakasin ang paghahanda ng sektor ng kalusugan.

Muli ring binigyang-diin ni Go ang kahalagahan ng disiplina at pagbabantay sa patuloy na paglaban sa COVID-19.

Inirekomenda niya sa mga hindi pa bakunadong Pilipino na magpabakuna na at magpalakas upang manatiling malusog at ligtas. RNT