Bong Go idiniing dapat ituloy ang giyera vs droga, kriminalidad

Bong Go idiniing dapat ituloy ang giyera vs droga, kriminalidad

October 22, 2022 @ 4:14 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Muling ipinaalala ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga awtoridad na panatiliin ang mga natamo ng administrasyong Duterte sa paglaban sa iligal na droga at kriminalidad.

“Alam n’yo, ayaw nating sayangin ‘yung inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Inumpisahan niya noon na labanan ang iligal na droga, labanan ang korapsyon sa gobyerno, at labanan ang kriminalidad,” ani Go matapos personal na pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga residente ng Mandaue City, Cebu.

Sinabi ni Go na ang koneksyon sa pagitan ng mga problema sa droga, krimen at katiwalian ay nagbibigay diin sa pangangailangang palakasin lalo ang pakikipaglaban sa mga sakit na ito sa lipunan.

“Alam n’yo, ‘pag bumalik ang droga, babalik ang korapsyon sa gobyerno. Makukorap (ang sistema) eh. ‘Pag bumalik ang droga, babalik ang kriminalidad. Iyon ang kinakatakutan po natin at ayaw nating mangyari,” sabi ni Go.

Sa ilalim ng kanyang Senate Bill No. 428, isang drug abuse treatment at rehabilitation center ang dapat itatag sa bawat probinsya, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health.

Naghain din siya ng SBN 419 na magbibigay sa mga empleyado ng PDEA ng mas magandang termino ng trabaho at mga oportunidad sa karera sa pamamagitan ng mas masinsinan at komprehensibong career development program, na may tamang pagsasanay upang mapahusay ang kanilang kaalaman, kakayahan, transparency, paggalang sa dignidad ng tao at pangako sa serbisyo.

Samantala, sa ilalim ng kanyang SBN 422, sinumang opisyal o enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nahaharap sa prosekusyon, korte o anumang kaso na may kaugnayan sa pagganap opisyal na tungkulin ay may karapatan sa libreng legal na tulong.

Kaya naman kumpiyansa ang senador na ipagpapatuloy ng administrasyong Marcos ang kampanya ni dating Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga at kriminalidad.

“At masaya naman po ako na nabanggit ni Pangulong (Ferdinand) Marcos (Jr.) na ipagpatuloy niya na labanan ang iligal na droga dahil salot talaga itong iligal na droga sa buhay natin,” ani Go.

“‘Pag mayroon pong biktima ng iligal na droga sa pamilya, sira na po ang pamilya. Iiwan ninyo ang pitaka ninyo diyan, nanakawin ang pera, ibibili ng droga. Kaya dapat hindi bumalik ang iligal na droga,” dagdag niya. RNT