Bong Go: Kalusugan ng Pinoy, mahalaga sa’kin

Bong Go: Kalusugan ng Pinoy, mahalaga sa’kin

July 12, 2022 @ 3:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Idiniin ni Senator Chistopher “Bong” Go na patuloy niyang itataguyod ang kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino kaya ang karamihan sa priority measures na kanyang inihain sa 19th Congress ay kinabibilangan ng pag-upgrade sa public health system at pagpapabuti ng access sa healthcare services.

“Kung inyong mapapansin, karamihan sa mga panukalang batas na isinumite ko ay may kinalaman sa pagpapalakas sa ating healthcare system. Napakahalaga sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya marami sa mga prayoridad na panukalang batas na aking agad na inihain ay sa aspetong ito nakatutok,” sabi ni Go na mananatiling chair ng Senate committee on health and demography.

“Nasaksihan ko nang pumutok ang pandemya kung paano nagsisiksikan ang mga pasyente sa ospital na hanggang sa mga pasilyo ay may ginagamot. Nahirapan din ang ating medical frontliners dahil kulang sa kagamitan. Kailangang mapalawak ang kaalaman ng ating mga nurses, at mapataas ang kanilang sahod. Importante ring magtayo tayo ng research institute para sa mga bagong sumusulpot na sakit para maagap din tayo sa pagkontina nito,” idiniin ni Go.

Naghain ang senador ng mga panukalang batas na nagbibigay ng libreng taunang medical check-up para sa lahat ng Pilipino at komprehensibong dialysis benefit package para sa lahat ng miyembro ng PhilHealth.

Isa rin sa isinumite niyang panukalang batas ang ‘Annual Medical Check Up Bill’ na kung maisasabatas, ang PhilHealth ang sasagot sa gastos para sa libreng medical check-up ng lahat ng Pilipino taun-taon.

Walang babayaran ni sentimo dahil magiging bahagi ito ng Comprehensive Outpatient Benefits Program. Kasama sa medical check-up ang screening, physical examination, laboratory tests at konsultasyon.

“Dahil masyadong mahal ang magpa-dialysis, ipinanukala ko ang ‘Comprehensive Dialysis Benefit Package’ para sa libreng dialysis ng lahat ng miyembro ng PhilHealth. Inaatasan din nito ang PhilHealth na maging mahigpit sa pag-aanalisa ng mga claims na may kinalaman sa dialysis,” anang mambabatas.

Ipinakilala rin ni Go ang isang panukalang lumilikha ng Emergency Medical Services Systems Council upang bumuo ng mga pambansang pamantayan sa pagbibigay ng emergency medical services, kasanayan at kakayahan na kinakailangan para sa mga tauhan ng emergency medical services (EMS) at pagbuo ng mandatory national EMS treatment protocols na dapat sundin ng EMS personnel. Ang National Telecommunications Commission and the Council ay dapat ding bumuo ng programa sa pagpapatibay ng nationwide emergency hotline number.

Para isulong naman ang kapakanan ng healthcare workers, muling inihain ni Go ang kanyang Barangay Health Workers (BHWs) Compensation and Incentives Bill, na magbibigay sa BHWs ng buwanang honorarium na P3,000, iba pang allowance, benepisyo, prebilehiyo at seguridad.

Sa ilalim ng panukala, ang kabuuang bilang ng BHW bawat barangay ay hindi dapat bababa sa dalawa o higit sa 1% ng kabuuang populasyon ng barangay.

Isinulong din ni Go ang kanyang Advanced Nursing Education Bill para magkaloob ng pangunahing programa para sa nursing education.

Magbibigay ito sa nursing students ng entry-level na ligtas at de-kalidad na kasanayan sa pag-aalaga. Dagdag dito, magkakaroon ng graduate program para sa nursing education na magiging post baccalaureate nursing program tungo sa mastery, expertise, leadership sa practice, research at education. RNT